Martin1 Speaker Ferdinand Martin Romualdez, Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Speaker Romualdez tiniyak pondo ng Valor clinics ni PBBM: ‘Healthcare should always be within their reach’

443 Views

TINIYAK ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang buong suporta ng Kamara de Representantes sa adbokasiya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palawakin at pagandahin ang serbisyong pangkalusugan na nakukuha ng mga beterano, lalo na sa mga lugar sa labas ng Metro Manila.

“The valor of our veterans and soldiers can never be fully repaid. But in recognition of their invaluable contributions to our nation, we in the House of Representatives, in support of President Marcos’ program, will work to ensure healthcare services, treatments, and medicines are always within their reach,” ani Speaker Romualdez.

Ginawa ni Speaker Romualdez ang pahayag matapos pangunahan ni Pangulong Marcos ang paglulunsad ng pilot site ng Veterans Access to Lifetime Optimized Healthcare (VALOR) Clinic sa Fernando Air Base sa Lipa City, Batangas.

Ang Valor Clinic, na proyekto ng Veterans Memorial Medical Center (VMMC), ay naglalayong tugunan ang pangangailangang medikal ng mga beterano, retiradong sundalo at kanilang mga pamilya, na kadalasang hindi naaabot ng kasalukuyang sistema ng serbisyong pangkalusugan.

Tiniyak ni Speaker Romualdez na personal niyang tututukan ang paglalaan ng pondo para sa mga proyektong magdadala ng serbisyong medikal sa mga beterano at retirado sa ilalim ng taunang General Appropriations Act.

“With the incoming 20th Congress poised to deliberate on the Executive branch’s National Expenditure Program for 2026, we will make sure that the establishment of more Valor Clinics in underserved areas receives ample support in the national budget,” dagdag pa ni Romualdez.

Ipinahayag din ng pinuno ng Kamara ang kanyang pagsang-ayon sa paninindigan ng Pangulo na dapat laging prayoridad ng pamahalaan ang kapakanan ng mga beterano, retirado at mga aktibong sundalo.

“They have sacrificed so much for our country so that we may live in peace and prosperity. Their well-being, especially their health, should always be safeguarded,” saad ni Romualdez.

Layunin ng Valor Clinic initiative na i-decentralize ang mga serbisyo ng VMMC sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga primary care clinics sa iba’t ibang military installations at ospital sa buong bansa upang matugunan ang pangangailangan ng mahigit 400,000 beterano, retirado at kanilang dependents na hindi sapat ang access sa serbisyong medikal dahil sa limitasyon sa logistics at finances.

Pinag-aaralan din ng pamahalaan ang posibilidad na isama ang mga civilian employees ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa nasabing programa.

Ayon sa plano, ang Valor Program ay ipatutupad sa tatlong yugto at target nitong makapagtayo ng 15 clinics sa buong bansa hanggang 2028.

Ang bawat klinika ay magkakaroon ng mga medical team na eksperto at konektado sa VMMC sa pamamagitan ng telehealth system. Magkakaloob ito ng mga serbisyo tulad ng immunizations, diagnostic tests, konsultasyon, maintenance medication, preventive medicine at chronic care management.

Sa phase one itatayo ang Valor Clinic sa mga sumusunod:

• Fernando Air Base, Batangas

• Northern Luzon Command, Tarlac

• Fort Bonifacio General Hospital, Taguig City

• Southern Luzon Command, Quezon

• Camp Riego de Dios, Cavite City

Sa second phase:

• Eastern Mindanao Command, Davao City

• Western Mindanao Command, Zamboanga City

• Brig. Gen. Benito Ebuen Air Base Hospital, Mactan

• Government Arsenal Medical Facility, Bataan

At sa ikatlong yugto sa:

• Kuta Major Cesar L. Sang-an Hospital, Zamboanga del Sur

• Camp Peralta Station Hospital, Capiz

• Camp Evangelista Station Hospital, Cagayan de Oro

• Camp Melchor F. Dela Cruz Station Hospital, Isabela

• Camp Siongco Station Hospital, Maguindanao

• 8th Infantry Division Hospital, Camp General Vicente Lukban, Samar

Matagal nang itinataguyod ni Speaker Romualdez ang mga hakbang para sa kapakanan ng mga beterano. Kasama rito ang pagpasa ng Republic Act No. 11958 na nag-ayos ng sistema ng kanilang disability pension.

Ang batas ay pinagsamang bersyon ng Senate Bill 1480 at House Bill 7939, na ipinasa ng Kamara sa ilalim ng liderato ni Speaker Romualdez noong Mayo 2023 at nilagdaan ni Pangulong Marcos noong Agosto ng kaparehong taon.

Dahil sa batas na ito, tumaas ang buwanang benepisyo ng mga beteranong may kapansanan na sanhi ng sakit o pagganap sa kanilang serbisyo. Sa kasalukuyan, ang kanilang pensyon ay nasa P4,500 hanggang P10,000, depende sa tindi ng kapansanan.