Calendar
Lacson: Matagal ko nang isinusulong ang open bicam
Naghain si Senador Panfilo “Ping” Lacson ng panukalang batas noong Hunyo 30, 2025 na naglalayong buksan sa publiko ang deliberasyon ng bicameral conference committee sa pambansang badyet—isa sa mga pinakakritikal ngunit saradong bahagi ng proseso ng paggawa ng batas.
“This transparency bill is one of ten priority measures I plan to file at the start of the 20th Congress,” ani Lacson.
“I have always fought for opening the bicameral conference deliberations on the budget measure to the public,” dagdag pa niya.
Inihayag niyang mas umaasa siyang magkakaroon ito ng suporta ngayon, lalo na’t mismong si House Speaker Martin Romualdez ang nagpahayag kamakailan ng kaparehong panawagan.
“Umaasa ako na maaaring maisakatuparan ito ngayong 20th Congress kasi iyan din ang naging panawagan ni Speaker Martin Romualdez kamakailan lang,” wika niya.
Samantala, sinang-ayunan ni Senadora Imee Marcos ang panawagan para sa pagbabago, at inalala ang kawalan ng impormasyon sa mga miyembro ng Bicam noong 2025 budget deliberations.
“I had earlier urged the leadership of the Senate to inform the members of the Bicam of the amendments… However, my request was never given due consideration,” saad ni Marcos. Hinikayat niya ang Kongreso na pag-aralang mabuti at maging mas bukas sa pagtalakay ng panukalang 2026 na badyet.
Ayon naman kay Senate Secretary Renato Bantug Jr., pinapayagan na ang media sa mga pulong ng bicameral committee pagdating sa General Appropriations Bill.
“Members of the media have long been invited to cover bicameral conference committee meetings on the General Appropriations Bill,” aniya.
“Our kababayan have every right to know how their money is spent,” dagdag niya, bilang pagpapatunay sa hangaring maging tapat at bukas ang Senado.
Layunin ng panukalang batas ni Lacson na gawing pormal ang publikong pagsubaybay sa yugtong karaniwang isinasagawa sa likod ng mga saradong pinto—ang final adjustments sa badyet—matapos itong aprubahan ng Senado at Kamara.

