Calendar
Yorme Isko tutuparin pangako; reklamo ng mahihirap, may edad tutugunan
TINIYAK ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na tutuparin niya ang ipinangako sa taumbayan, lalu na sa mga lolo at lola sa Maynila.
Binalaan din niya ang mga tolongges at drug addict na lumayas na sa Maynila dahil hindi siya titigil at ang kapulisan hangga’t hindi nasasawata ang kanilang ilegal na aktibidad.
Sinabi ni Yorme Isko na tutugunan niya ang mga reklamo ng mga senior citizen at mga maralita na walang access sa internet.
Magugunita na ginawang panuntunan ng Manila Health Department ang pangangailangan na magpa-rehistro muna sa pamamagitan ng online ang mga nagnanais na magpakonsulta at makapagpagamot sa mga pampublikong ospital at mga health centers upang hindi humaba ang pila.
Ngunit ang nasabing polisiya ay inireklamo ng mga matatanda at mga mahihirap na mamamayan na walang access sa internet o hindi bihasa sa paggamit ng makabagong teknolohiya.
Bukod dito, siniguro rin ni Yorme Isko na iimbestigahan niya ang mga sumbong, kabilang ang kawalan umano ng gamot sa mga health center.
Kaugnay nito, labis din ang pagkadismaya ng alkalde nang tumapak sa unang araw niya sa panunungkulan sa kanyang magiging tanggapan sa City Hall, nang tumambad sa kanya na walang gamit sa kanyang magiging tanggapan sa City Hall.
Maging ang mga kurtina at ilan pang mga kagamitan sa kabuuan ng tanggapan ay wala na ring nadatnan ang alkalde, maliban sa dalawang kaha-de-yero, bagama’t sinabi niya na konting problema lang ito kung ikukumpara sa malalang sitwasyon ng basura ngayon ng Maynila.
Unti-unti aniya niyang reresolbahin ang mga problema pero uunahin muna niya ang ipinangakong paglilinis at pagbabalik ng kaayusan, katahimikan, at kapanatagan ng loob ng mamamayan sa lungsod.

