Trial

Publiko dehado pag impeachment trial puro teknikal

293 Views

INIHAYAG ng isang miyembro ng Kamara de Representantes na dapat ituon ng Senado ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte sa pagkakaroon ng pananagutan at huwag hayaan na malunod ito sa teknikalidad, upang mabigyan ng kasagutan ang mga tanong ng taumbayan.

Sinabi ni Rep. Jude Acidre, kinatawan ng Tingog party-list, na ang mga isyung teknikal na inihain ng Senate impeachment court—gaya ng pangangailangan ng sertipikasyon mula sa 20th Congress—ay maaari sanang pag-usapan na lang sa mismong paglilitis at hindi bago pa ito magsimula.

“Well, ‘yan nga ho ang iniiwasan natin kasi nagmumukhang nag-aabogado,” ani Acidre. “Pero alam natin kung meron mang pananagutan, kung meron mang perspektibo o meron mang concern ang Senado, it could have been raised better in the course of the trial… that would have afforded also the House to present.”

“Sana hindi malunod sa technicality ang ating kagustuhang mabigyan linaw ang pananagutan sa Pangalawang Pangulo. Kasi isa lang naman ang pamamaraan para matugunan natin ang panawagan for accountability, magkaroon ng trial,” dagdag pa niya.

Nagbabala si Acidre na ang tunay na talo sa pagkabalam na ito at pagtatalong teknikal ay ang publiko na naghihintay na mabigyang linaw ang umano’y maling paggamit ng confidential funds ng Pangalawang Pangulo at sa mga banta nito laban sa mga mataas na opisyal ng pamahalaan.

“‘Yung taong-bayan ang nadedehado dito sa usaping ito,” ani Acidre.

“Dapat alam na ng taong-bayan ito eh. Nag-proceed na sana tayo do’n sa mga katanungan… kung ano’ng katotohanan tungkol sa paggamit ng confidential funds at iba pang paratang sa Articles of Impeachment,” pagpapatuloy niya.

Ayon kay Acidre, ang mga mahahalagang katanungan ay hindi tungkol sa pulitika kundi sa katotohanan at katarungan.

“Ang nadehado lang ang taong-bayan kasi sa panahong ito dapat ang mga katanungan nating sinasagot hindi lang tungkol kung it should proceed or not… ang mas mahalagang katanungan ay ano ang nangyari sa confidential funds?” aniya.

Dagdag pa niya, ang mga seryosong alegasyon gaya ng umano’y banta ng Pangalawang Pangulo na ipapatay ang Pangulo, ang Unang Ginang at ang Speaker ng Kamara ay nararapat lamang harapin sa isang patas na paglilitis at hindi dapat iwasan gamit ang mga teknikalidad.

“Pag sinabi mo bang ipapapatay mo ang Presidente, Speaker at Unang Ginang, may pananagutan ba ang isang halal na lingkod bayan? Those are the questions that should be considered,” diin ni Acidre.

Pinaalalahanan niya ang lahat ng panig sa naturang proseso na ang layunin ng impeachment ay pananagutan, at hindi harangin ito.

“Just a reminder for everybody involved in the process that the end point of an impeachment is to exact accountability and not provide an opportunity for others to escape from it,” aniya.

Iginiit pa ni Acidre na naisagawa na ang prosesong nakasaad sa Konstitusyon, at in-impeach na ng Kamara si VP Duterte noong 19th Congress.

“I don’t know where in the Constitution allows any change… other than by the Senate deciding and trying,” ani Acidre.

Bagaman ayaw pangunahan ang magiging hakbang ng 20th Congress, na magsisimula sa Hulyo 28, kumpiyansa si Acidre na magpapatuloy ang proseso—lalo na kung muling mahalal si Leyte Rep. Martin Romualdez bilang Speaker.

“The Speaker has shown himself as a consensus builder… and I know he’ll go through the process of really consulting the House,” ani Acidre.

Idinagdag pa niya na ang napakaraming mambabatas na nagbabalik sa Kongreso at sumuporta sa impeachment—na karamihan ay sumusuporta rin kay Romualdez bilang Speaker—ay tanda ng pagpapatuloy ng kanilang adhikain.

“My personal opinion is anything we’ve done in the 19th cannot also be negated by the 20th,” pagtatapos niya.