Manok

PH ni-lift import ban sa mga manok, poultry products mula sa 6 US states

Cory Martinez Jul 3, 2025
419 Views

BINAWI na ng Department of Agriculture (DA) ang pagbabawal sa pag-import ng domestic, wild birds, poultry meats at mga produkto mula sa Indiana, Maryland, Missouri, New York, Ohio at Pennsylvania sa US.

Sinabi ni DA Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. sa Memorandum Order 32 na inalis na ang ban matapos kumpirmahin ng mga veterinary authority sa US na naresolba na ang pagkalat ng mga sakit sa manok at poultry products doon.

Kabilang sa mga sakop ng pag-alis sa import ban ay ang poultry products tulad ng itlog, day-old na mga sisiw at semilya na ginagamit sa artificial insemination.

Nagsasaad sa report na isinumite sa World Organisation for Animal Health na walang mga bagong kaso ng bird flu sa mga apektadong lugar simula Hunyo 9.

Ipinatupad ang pagbabawal sa mga unang buwan ng taon dahil sa pagkalat ng highly pathogenic avian influenza (HPAI) sa mga naturang estado.

“Ang pag-aalis ng ban ay batay sa siyensiya at alinsunod sa pandaigdigang pamantayan,” sabi ni Tiu Laurel.

Inaasahang magpapalakas sa poultry supply ng bansa ang pagbabalik ng importasyon at makakatulong na mapagaan ang pressure sa presyo, alinsunod sa pagsisikap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na masiguro ang seguridad sa pagkain sa harap ng inflation.

Ang tumataas na presyo ng pagkain ang nananatiling susi sa pagbilis ng inflation sa bansa.

Sinabi ni Tiu Laurel na lahat ng padating na kargamento ay dapat na sumunod sa umiiral na veterinary quarantine protocols at food safety regulations ng DA.