GSIS Source: PIA

Boluntaryong GSIS membership sa kawani ng gobyerno na may 9 taong serbisyo hinihiling

NAIS ni Senador Panfilo “Ping” M. Lacson na bigyang pagkakataon ang mga dating kawani ng pamahalaan na nakapagsilbi nang hindi bababa sa siyam na taon, na ipagpatuloy ang kanilang kontribusyon sa Government Service Insurance System (GSIS) sa pamamagitan ng boluntaryong pagiging miyembro.

Sa kanyang panukalang batas, sinabi ni Lacson na layunin nitong tulungan ang mga manggagawang hindi nakaabot sa kasalukuyang 15-taong minimum na requirement para sa retirement benefits mula sa GSIS.

“It is the aim of this proposed measure to allow voluntary membership to members who have rendered at least nine (9) years of service in the government, and to allow them to continue paying for the remaining contributions needed for entitlement to GSIS retirement packages,” pahayag ni Lacson sa kanyang panukalang batas na pinamagatang “An Act Providing for Voluntary Membership in the GSIS, Amending for the Purpose RA 8291 Otherwise Known as the GSIS Act of 1997.”

Iginiit niyang makatutulong ang panukalang ito upang mapantayan ang patakaran ng GSIS sa kasalukuyang sistema ng Social Security System (SSS), at makapagbigay ng mas patas na opsyon para sa mga empleyadong lumilipat mula sa pampublikong sektor patungong pribado at kabaligtaran.

Sa kasalukuyan, tanging ang mga empleyadong nakapagsilbi ng 15 taon sa gobyerno ang kuwalipikado sa buong retirement benefits mula sa GSIS.

Binanggit ni Lacson na maraming kawani ang umaalis sa serbisyo bago maabot ito, kaya’t nawawalan sila ng sapat na benepisyo.

Nakasaad sa panukalang batas ang pagdaragdag ng sub-seksyon sa Section 3 ng RA 8291, na magbibigay-daan para sa mga nakapagsilbi ng siyam na taon pataas na maging boluntaryong miyembro. Sila ay maaaring magpatuloy sa pagbabayad ng natitirang kontribusyon, kabilang ang bahagi ng empleyado at employer.

Binabago rin ng panukala ang Section 4 ng RA 8291 upang tiyakin na ang mga dating empleyado ay mananatiling kuwalipikado sa anumang benepisyo sa oras ng contingency, at maaari pa ring piliing maging boluntaryong miyembro ng GSIS.

Sa ilalim ng panukala, ang isang miyembro ay maaaring tumanggap ng retirement benefits mula sa GSIS kung siya ay may 15 taong aktwal na serbisyo o nakumpleto ang kaukulang halaga ng kontribusyon sa parehong tagal sa pamamagitan ng boluntaryong paghulog.