Student Source: PNA file photo

Babala inihayag vs pagbalik sa 10 taong edukasyon

397 Views

NAGBABALA si Sen. Sherwin Gatchalian laban sa panukalang ibalik sa 10 taon ang batayang edukasyon sa Pilipinas at labag din sa umiiral na pandaigdigang pamantayan ang ganitong sistema.

Ayon sa pagsusuri gamit ang microdata mula sa UNESCO, lumalabas na 99.5% ng mga sistema ng edukasyon sa 214 bansa at hurisdiksyon ay may higit sa 10 taon ng batayang edukasyon.

Sa kabuuan, 135 bansa—kabilang na ang Estados Unidos, Japan, at South Korea—ang may 12-taong edukasyon, habang 57 bansa naman ang nagpapatupad ng 13-taong estruktura.

Sa ASEAN, pito sa 10 bansa tulad ng Vietnam, Cambodia at Myanmar ay may 12-taong sistema.

Ang Singapore lamang ang may 10-taong edukasyon, ngunit natatangi ang kanilang estruktura dahil hindi bahagi ng batayang edukasyon ang pre-tertiary level.

Binigyang-diin ni Gatchalian na ang pagpapaikli sa batayang edukasyon ay isang hakbang paurong.

Sa halip, isinusulong niya ang reporma sa antas ng kolehiyo sa pamamagitan ng panukalang Three-Year College Education (3CE) Act.

Layunin ng batas na ito na pahintulutan ang ilang kurso sa kolehiyo na matapos sa loob lamang ng tatlong taon.

“Imbes na bumalik tayo sa 10 taon ng basic education, isinusulong nating iklian na lang ang taon sa kolehiyo,” sabi ni Gatchalian.