Calendar
Panganib ng online sugal sa mga kabataan idiniin
NAGHAIN si Senador Juan Miguel “Migz” Zubiri ng panukalang batas na naglalayong tuluyang ipagbawal ang online gambling sa bansa, dahil sa tumitinding epekto nito sa mga pamilyang Pilipino, lalo na sa kabataan at mga taong madaling maapektuhan.
Tinawag ang panukala bilang “Anti-Online Gambling Act of 2025” at layunin nitong ipahinto ang lahat ng uri ng sugal sa internet—kabilang ang digital betting platforms, mobile applications, at mga website na maaaring ma-access sa cellphone, tablet, o computer.
Binigyang-diin ni Zubiri ang pagbabago ng anyo ng pagkakalulong sa sugal. “Iba na ang itsura ng gambling addiction ngayon. Hindi na ito yung lulong ang isang tao sa casino o sa sabungan. It now looks like a kid with a phone under the covers at 2 a.m., losing the family’s grocery money on an online casino site,” paliwanag niya.
Saklaw ng panukala ang hindi lamang mga gambling operators kundi pati na rin ang mga internet service providers (ISPs), mobile network companies, at digital platforms.
Inaatasan silang harangin ang access sa mga gambling site sa loob ng 72 oras matapos matanggap ang abiso mula sa Department of Justice o PAGCOR. Ang hindi pagtupad ay papatawan ng mga parusa gaya ng multa, suspensyon, o tuluyang kanselasyon ng kanilang lisensya.
Bilang karagdagan, ipinagbabawal din sa mga financial service providers gaya ng mga credit card companies at e-wallet platforms tulad ng GCash at Paymaya ang pagproseso ng mga transaksyong may kaugnayan sa online gambling.
Maging ang mga indibidwal o kumpanyang nagpo-promote o nag-a-advertise ng sugal—sa tradisyonal na media man o social media—ay maaaring panagutin.
Ikinabahala ni Zubiri ang patuloy na pagkalat ng mga patalastas ng online gambling sa mga digital platform. “Ang dami nating nakikitang ads ng online casino sa ating mga payment wallets. Ineendorso pa ng mga sikat na artista. These memes make a parody of people losing a lot of money in online gambling,” aniya.
Naglalaman din ang panukala ng serye ng parusa para sa mga lalabag: P20 milyon at anim na buwang suspensyon ng lisensya sa unang paglabag; P50 milyon at isang taong suspensyon sa ikalawa; at hindi bababa sa P100 milyon, permanenteng kanselasyon ng lisensya, at kasong kriminal sa ikatlong beses ng paglabag—kabilang ang hanggang anim na taong pagkakakulong para sa mga sangkot na opisyal.
“Ang masakit dito, mga bata na ang nahuhumaling. There is something inherently wrong with the system, that is why I filed this measure to put an end to this once and for all,” iginiit ni Zubiri.
Sa kabuuan, layon ng panukalang batas na ito na harapin ang mga panganib ng online gambling at protektahan ang mga mamamayang Pilipino sa gitna ng mabilis na pag-usbong ng digital na teknolohiya.

