Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Mga taga-Bacoor City nagpasalamat kay PBBM para sa Benteng Bigas

261 Views

NAGPAHAYAG ng pasasalamat ang ilang residente ng Bacoor City kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. dahil sa programang “Benteng Bigas Meron Na” na layuning ibaba ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo.

Para kay Ana Marie Mina, 34 taong gulang at residente ng Zapote Uno, Bacoor City, malaking tulong ang P20 kada kilong bigas sa kanilang pang-araw-araw na gastusin. Isa siyang ina ng limang anak at benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Isa si Mina sa mga naunang pumila sa Kadiwa ng Pangulo stall sa Zapote-Bacoor Public Market upang makabili ng murang bigas.

“Nagpapasalamat po kami ng pamilya ko kay Presidente Marcos sa malaking tulong na ibinibigay niya sa pamilya po namin. Makakakuha kami ng murang bigas,” ani Mina.

“Kahit papaano, nakabawas sa budget namin. Nakakabawas din sa gastusin. Nakakamenos,” dagdag pa niya.

Dumalaw si Pangulong Marcos sa Zapote-Bacoor Public Market noong Miyerkules upang ilunsad ang inisyatibong “Benteng Bigas Meron Na,” na layuning gawing abot-kaya at mas madaling maabot ng mas maraming Pilipino ang bigas.

Gaya ni Mina, nagpasalamat din si Veronica Openyano, 60 taong gulang, isang balo at residente rin ng Zapote, Bacoor City, sa programa. Ani niya, unang beses niya itong makabili ng bigas sa ilalim ng Benteng Bigas Meron Na.

“Nagpapasalamat po kami ng aking pamilya kay Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. Sana po mapagpatuloy niya ito. Maraming salamat po sa inyo,” ani Openyano.

Samantala, si Rowel Bangis, 65 taong gulang, dating drayber ng taksi sa paliparan at residente rin ng Zapote, ay nagpasalamat din kay Pangulong Marcos sa pagtulong sa kanilang makapagtipid sa pamamagitan ng P20 kada kilong bigas.

“Okay ang ginawa ni Presidente Marcos. Mabuti po ito para sa ating mga Pilipino. Nagpapasalamat po ang aking pamilya kay President Marcos nang marami. Salamat po sa kanya,” sabi ni Bangis. PCO