OFW

OFWs mula Israel balik PH, inulan ng ayuda

Jun I Legaspi Jul 5, 2025
310 Views

LABINTATLONG overseas Filipino workers (OFWs) mula Israel ang nakabalik sa Pilipinas bilang bahagi ng pagbibigay-tulong sa mga manggagawa na nasa abroad na apektado ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.

Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang mga repatriated OFWs ay nabibigyan ng komprehensibong suporta sa reintegration, kabilang ang tulong pangkabuhayan, serbisyong pangkalusugan at pangkapakanan at TESDA training vouchers para sa mas maayos na paglipat tungo sa bagong yugto ng buhay.

Sa ngalan ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo J. Cacdac, sinalubong ang mga OFW nina DMW Undersecretary Dominique Rubia-Tutay, Assistant Secretary Maria Angela Galias, OWWA Deputy Administrator Ryan Uy at mga kinatawan mula sa DSWD at MIAA Medical Team.

“Hindi madali ang inyong pinagdaanan sa ibang bansa, lalo na sa gitna ng kaguluhan. Sisiguraduhin naming mabibigyan kayo ng sapat na tulong at suporta sa inyong pagbabalik,” pahayag ni Undersecretary Tutay.

Pagdating sa paliparan, ang mga repatriate ay sumailalim sa health check mula sa MIAA Medical Team at agad na nakatanggap ng pinansyal na tulong mula sa DMW AKSYON Fund, OWWA Emergency Repatriation Fund, DSWD assistance at tumanggap din ng TESDA vouchers.

Isa sa mga umuwing caregiver, si Josephine Sanglitan Sandoi, 51, mula Davao City, halos dalawang dekada nang nagtrabaho sa Israel. Ibinahagi niya kung paanong muntik na silang tamaan ng missiles sa kanilang silungan at kung paano nila nalampasan ang takot sa gitna ng pag-atake.

Ang grupong ito ang bumubuo sa kabuuang 21 repatriated OFWs ng Batch 38-B na umuwi mula Israel sa ilalim ng voluntary repatriation program ng pamahalaan, sa pamumuno ng DMW at mga katuwang na ahensya.

“Wala na pong iniisip ang ating mahal na Pangulo kundi ang inyong kaligtasan. Welcome back, mga Kababayan!” pagtatapos ni Undersecretary Tutay.