Calendar
Lisensya ng driver ng Porsche na nag-cp habang nagmamaneho suspendido
SA mahigpit na utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na habulin ang mga lumalabag at nagpapahamak sa kaligtasan sa kalsada, ipinatawag ng Land Transportation Office (LTO) ang rehistradong may-ari at driver ng sports car na gumamit ng cellphone habang nagmamaneho sa highway.
Ayon kay Assistant Secretary Vigor D. Mendoza II, pinuno ng LTO, sa ilalim ng patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, lumalabas na ginagamit ng driver ang mamahaling Porsche sports car bilang bahagi ng paggawa ng content para sa social media.
Ang naturang video ay kumakalat na sa social media at ayon kay Mendoza, malinaw itong paglabag sa mga alituntunin sa kaligtasan sa kalsada.
“Anuman ang klase ng sasakyang minamaneho, nararapat lamang na sumunod tayo sa batas-trapiko. Kung siya man ay isang content creator, may pananagutan siyang magpakita ng magandang ehemplo sa kanyang mga tagasubaybay,” ani Mendoza.
“Sinuspinde na namin ang lisensya ng nasabing driver sa loob ng 90 araw habang isinasagawa ang imbestigasyon,” dagdag pa niya.
Batay sa show cause order (SCO) na nilagdaan ni LTO-Intelligence and Investigation Division Chief Renante Melitante, nahaharap ang driver sa tatlong paglabag: reckless driving, paglabag sa Anti-Distracted Driving Act partikular sa Section 4 ng Republic Act (RA) No. 10913, at pagiging improper person to operate a motor vehicle alinsunod sa Section 27 (a) ng RA 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code.
Ang huli ay may katumbas na pinakamabigat na parusang revocation o tuluyang pagbawi ng driver’s license.
Inatasan ang rehistradong may-ari at ang driver ng sasakyan na humarap sa LTO Central Office upang magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat panagutin sa administratibong paraan.
Bukod sa suspensyon ng lisensya, inilagay na rin sa alarm status ang naturang Porsche.

