Calendar
Kamatayan isinusulong na parusa sa agri smugglers
ISANG tatlong-termer na mambabatas mula sa Mindanao ang nananawagan na ipataw ang parusang kamatayan sa mga lokal at dayuhang smuggler at hoarder ng mga produktong agrikultura at pangisdaan, dahil sa perwisyong dulot nito sa mga magsasaka at mangingisda, banta sa kalusugan ng mga mamimiling Pilipino, at kawalan ng kita para sa ekonomiya ng bansa.
Ayon kay dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, kahit na naisabatas na noong Setyembre ng nakaraang taon ang Anti-Agricultural Economic Sabotage (AGES) Act na nagpapataw ng mas mabigat na parusa laban sa smuggling at kartel, patuloy pa rin umano ang talamak na smuggling ng mga produktong agrikultura at pangisdaan.
“Mukhang hindi kinatakutan o naging babala ang AGES Act para tumigil ang mga smuggler sa kanilang gawain,” ani Barbers.
Dagdag niya, patuloy pa rin ang operasyon ng mga hindi lisensyadong negosyanteng nakabase sa China, katuwang ang kanilang mga kasabwat na Pilipino, sa pagpasok ng bulok na isda, gulay, frozen na itik, manok, baboy, at iba pang pagkain sa bansa.
Ayon kay Barbers, panahon na upang ipatupad sa Pilipinas ang parusang kamatayan para sa mga krimen gaya ng smuggling (na itinuturing na economic sabotage) ng mga produktong agrikultura at pangisdaan, lalo na kung hindi ito dumaan sa mga mandatoryong pagsusuri ng Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA), na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan at pagkawala ng kita ng pamahalaan.
Maging si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na umaasang magiging epektibong panakot ang AGES Act laban sa smuggling, ay nagpahayag ng pagkadismaya sa patuloy na smuggling, kaya iminungkahi niya ang mahigpit na pagsusuri sa lahat ng produktong galing China, pagbubukas ng lahat ng shipment containers, at pigilin ang pagpasok ng mga ilegal na kargamento sa merkado.
“Para wala nang makalusot. Wala silang respeto sa batas, wala silang respeto sa ating mga magsasaka, wala silang respeto sa ating mga mangingisda. Binabastos na tayo, eh. Hindi tama ‘yun!” ayon kay Tiu Laurel matapos ang pagkakahuli ng humigit-kumulang ₱35 milyon halaga ng bulok na isda at sibuyas sa BoC Compound sa Port Area, Maynila.
Bago tuluyang alisin noong 2006, ang parusang kamatayan ay maaaring ipataw sa 13 mabibigat na krimen (heinous crimes) tulad ng treason, piracy, bribery, parricide, murder, infanticide, kidnapping, illegal detention, robbery with violence, rape, plunder, car theft with rape or murder, at mga krimen kaugnay sa droga.
Sa ilalim ng AGES Act, na pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Setyembre 2024, itinuturing na economic sabotage ang smuggling ng produktong agrikultura at pangisdaan kapag ang halaga ay lumagpas sa ₱10 milyon. Kasama rin sa mga tinutukoy bilang economic saboteurs ang mga nasa likod ng kartel, tagapondo ng smugglers, at mga hoarder. Ang mga mapapatunayang nagkasala ay nahaharap sa habambuhay na pagkakakulong.
Ayon pa kay Barbers, tila hindi natitinag ang mga smuggler at economic saboteurs, lokal man o dayuhan, sa kabila ng mas pinatinding batas, dahil sa kakayahan nilang suhulan ang mga opisyal at makalusot sa mga kaso.
“Hindi matatakot o titigil ang mga smuggler sa kahit gaano pa kabigat na batas. Kailangan na natin ng parusang kamatayan laban sa kanila, pati na sa mga sangkot sa heinous crimes at drug trafficking. Kamatayan lang ang naiintindihan ng mga kriminal na ‘yan,” pagtatapos ni Barbers.

