Martin Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin Romualdez

Romualdez inihain panukalang reporma sa badyet para sa mas mabilis, tapat na serbisyo sa mga Pilipino

370 Views

BAGO pa man magbukas ang sesyon ng 20th Congress sa Hulyo 28, inihain ni Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez ang panukala na naglalayong baguhin ang sistema ng pambansang badyet upang matiyak na ang pondo ng bayan ay nagbubunga ng kongkretong resulta at hindi masayang.

Inihain ni Romualdez, na Speaker ng Kamara sa katatapos na 19th Congress, ang House Bill (HB) No. 11 o ang Budget Modernization Act na nagmumungkahi ng paglipat ng gobyerno sa cash-based budgeting system.

Layon ng panukalang batas na pabilisin ang paghahatid ng serbisyo ng pamahalaan, alisin ang pag-aaksaya ng pondo, at gawing mas madali ang pagmo-monitor at pagsusuri sa lahat ng transaksyon ng gobyerno.

“Bawat sentimo sa national budget ay pera ng taong-bayan. Kailangan magamit ito nang mabilis, tapat at may malinaw na resulta para sa mga Pilipino, lalo na sa mga nangangailangan,” ani Romualdez, na nauna nang sumuporta sa panukalang gawing bukas sa publiko ang bicameral deliberations ng pambansang badyet.

Ang panukala ay co-authored nina Tingog Party-list Reps. Andrew Julian K. Romualdez at Jude A. Acidre.

Ayon sa panukala, ang Cash Budgeting System ay tumutukoy sa taunang paglalaan ng pondo na nililimitahan ang pagkuha ng obligasyon at pagbabayad sa mga kalakal at serbisyo na naihatid, na-inspeksyon at tinanggap sa loob ng kasalukuyang fiscal year.

Tinutugunan ng panukala ang matagal nang problema sa pampublikong pananalapi kung saan na-oobliga ang pondo pero hindi ito nagagamit, na nagreresulta sa pagkaantala ng mga imprastruktura, paghinto ng mga programa at hindi naipapamahaging tulong.

Inaatasan nito ang mga ahensya na ipatupad ang mga proyekto sa loob ng parehong fiscal year, na may tatlong buwang palugit lamang para sa pagbabayad.

Dahil dito, mapipilitang magplano nang mas mahusay ang mga ahensya, maghatid nang mas mabilis at mag-ulat nang mas malinaw na resulta.

“Kapag may pondong inilaan para sa eskwelahan, dapat may maitayong silid-aralan. Kung may budget para sa kalsada, dapat may daang natatapos. Hindi puwedeng puro plano, walang resulta,” dagdag pa ni Romualdez.

Tinutugunan din ng HB No. 11 ang isyu ng tinatawag na “parked” funds at off-budget items sa pamamagitan ng mas mataas na antas ng transparency at mas mahigpit na depinisyon para sa mga appropriations.

Ipinagbabawal ng panukala ang paggamit ng lump-sum o special purpose funds na walang malinaw na deliverables at timeframes.

Upang matiyak ang real-time oversight, inaatasan ang mga ahensya na gumamit ng digital public financial management system na makatutunton sa bawat pisong ginagastos.

Ayon kay Romualdez, ito ay makatutulong sa pagpapataas ng transparency, pagpigil sa korapsyon at pagpapanumbalik ng tiwala sa pamahalaan sa paggamit ng buwis ng taumbayan.

“‘Pag malinaw ang sistema, madaling masilip ng taumbayan kung saan talaga napupunta ang pondo. Iyan ang tunay na malasakit,” aniya.

Isa pa sa pangunahing probisyon ng panukala ay ang pagpapakilala ng performance-based budgeting. Hindi na huhusgahan ang mga ahensya base lang sa laki ng kanilang ginastos, kundi sa aktuwal na resulta ng kanilang mga proyekto.

Dahil dito, makikita mismo ng publiko kung paano naging kapaki-pakinabang ang buwis na kanilang ibinabayad.

“Hindi na sapat ang sabihing nagastos ang pondo. Dapat makita ng taumbayan kung ano ang naitulong nito sa kanilang buhay,” diin ni Romualdez.

Sinabi rin ni Romualdez na ang maagang paghahain ng panukalang ito ay isang pahiwatig ng kanyang hangarin na magtrabaho nang tuloy-tuloy kahit hindi pa naaayos ang usapin ng liderato bago magsimula ang ika-20 Kongreso.

“Hindi na kailangang maghintay ng SONA o botohan ng Speaker. Kung may pwedeng simulan na ngayon na makakabuti sa bayan, gagawin natin. Tuloy ang trabaho para sa Bagong Pilipinas,” aniya.

Ang HB No. 11 ay bahagi ng mas malawak na reporma na itinutulak ni Romualdez upang mapabuti ang fiscal discipline, mapataas ang kalidad ng serbisyo publiko, at ma-institutionalize ang pananagutan sa pambansang badyet.

Nakatuon ito sa kampanya ng administrasyong Marcos para sa Bagong Pilipinas, na layong maghatid ng nasusukat at inklusibong kaunlaran para sa karaniwang Pilipino.