Kuryente

Panukalang batas para sa abot-kamay na kuryente, reporma sa enerhiya, iba pa isinusulong

SA layuning tugunan ang mahahalagang usaping panlipunan at pang-ekonomiya, naghain si Senador Rodante D. Marcoleta ng kanyang unang sampung panukalang batas para sa Ika-19 na Kongreso.

Ayon sa liham na may petsang Hulyo 3, 2025 na ipinadala kay Atty. Margarita R. Alias ng Senate Legislative Bills and Index Service, nakatuon ang mga mungkahing ito sa reporma sa enerhiya, agrikultura, pamahalaang lokal, at kapakanang panlipunan.

Isa sa mga pangunahing panukala ang pag-alis ng value-added tax (VAT) sa bentahan ng kuryente sa pamamagitan ng pag-amyenda sa mga Seksyon 108 at 109 ng National Internal Revenue Code.

Gayundin, inihain ang isang panukalang naglalayong protektahan ang mga mamimili laban sa hindi makatarungang pagtaas ng presyo ng liquefied petroleum gas (LPG), sa pamamagitan ng pagsususog sa ilang probisyon ng Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998.

Dagdag pa rito, iminungkahi ni Marcoleta ang pagpalakas sa implementasyon ng lifeline rate subsidy para sa mga low-income households sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Electric Power Industry Reform Act of 2001.

Kasabay nito, naghain din siya ng panukalang magtatag ng pambansang polisiya at balangkas ng regulasyon para sa mga pasilidad na gumagamit ng waste-to-energy technologies.

Sa aspeto ng lokal na pamamahala, isinusulong ni Marcoleta ang pagtatatag ng Barangay Affairs and Development Commission na may malinaw na mandato, pondo para sa Barangay Development Fund, at sapat na badyet para sa operasyon nito.
Samantala, bilang tugon sa hamon ng seguridad sa pagkain, iminungkahi rin niya ang pagsasama ng mga instructional garden sa kurikulum ng mga paaralang elementarya at sekondarya at ang pagsusulong ng urban agriculture.

Upang itaguyod ang kaunlaran sa sektor ng agrikultura, inihain ni Marcoleta ang panukalang magbibigay ng libreng edukasyong tersyaryo sa mga kursong agrikultural para sa mga anak ng kwalipikadong magsasaka at manggagawang bukid, pati na rin sa mga karapat-dapat na mag-aaral.

Kaalinsabay nito, iminungkahi rin niya ang institusyonalisasyon ng fertilizer at pesticide subsidy program sa ilalim ng Department of Agriculture.

Para naman sa kapakanan ng mga overseas Filipino workers (OFWs), inihain niya ang panukalang magtatatag ng natatanging social security at retirement system para sa kanila, kasama ang malinaw na probisyon sa pondong kailangan para rito.

Panghuli, tinukoy rin ni Marcoleta ang pangangailangang amyendahan ang Urban Development Housing Act (Republic Act No. 7279), upang palayain ang mga maralita at walang tirahan sa pagbabayad ng supersedeas bond na hinihingi para makapaghain ng apela sa mga kasong pagpapaalis.

Sa kabuuan, ang mga panukalang batas ni Senador Marcoleta ay nagpapakita ng kanyang patuloy na adbokasiya sa pagbawas ng pasanin sa mga mamamayan, lalo na sa mahihirap. Sa pamamagitan ng pagpapababa sa halaga ng batayang serbisyo, pagsuporta sa agrikultura, pagpapalakas ng mga institusyong barangay, at pagpapalawak ng mga programang panlipunang proteksyon, layunin ng mga panukalang ito na lumikha ng mas makatao at makatarungang lipunan.