Calendar
Real time SMS, email notification para sa NCAP inilunsad ng MMDA
INILUNSAD ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang real time short message service at email notification para sa No Contact Apprehension Policy (NCAP) Lunes ng umaga sa Communications and Command Center ng kanilang punong tanggapan sa Pasig City.
Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, ang panibagong hakbang ay bilang pagtalima sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na paigtingin pa ang pagpapahusay sa implementasyon ng NCAP na magtataguyod, hindi lamang para sa kaligtasan sa lansangan, kundi paglaban din sa katiwalian.
Sinabi ni Artes na pangunahing tampok sa ganitong inisyatiba ang pagtanggap ng mga may-ari ng behikulo ng notification sa pamamagitan ng SMS o short messaging system kahit walang internet connection upang kanila agad itong maaksiyunan kaagad.
Kabilang din sa benepisyo ng bagong hakbang ay ang katipiran at mabilis na paraan para sa MMDA na maipabatid kaagad sa mga may-ari ng sasakyan ang nagawang paglabag sa batas trapiko sa tulong na rin ng telecommunications company at Land Transportation Office. (LTO).
Sa ilalim ng naturang proseso, sa oras na maberipika at ma-validate na ng NCAP ang paglabag sa trapiko ng motorista, kaagad silang tatanggap ng mensahe sa SMS at kanilang email mula sa MMDA_NCAP at email mula naman sa “no-reply@mmda.gov.ph”. Hindi naman kabilang dito ang paniningil ng bayad upang makaiwas ang motorista sa scam.

