Defensor Iloilo Rep. Lorenz Defensor

House prosec umalma sa ‘witch hunt’ pahayag ni Zubiri sa VP impeachment

335 Views

UMALMA ang isang miyembro ng House prosecution panel sa sinabi ni Sen. Juan Miguel “Migz” Zubiri na ang impeachment trial kay Vice President Sara Duterte ay isang “witch hunt,” isang pahayag na hindi umano angkop na manggaling sa isang senador na magsisilbing hukom sa paglilitis.

“It’s very unbecoming of a senator-judge in an impeachment trial to say that the impeachment complaint and the trial is a witch hunt,” ani re-elected Iloilo Rep. Lorenz Defensor.

“Hindi dapat nanggagaling ‘yun sa isang senator-judge who is expected to receive the evidence with impartiality and to treat the impeachment as a constitutional process,” dagdag pa ng mambabatas.

Ang pahayag ni Zubiri noong Lunes ay agad na umani ng reaksiyon mula sa mga tagasuporta at kritiko ng impeachment.

Binigyang-diin ni Defensor na ang mga mambabatas, lalo na ang mga uupong senator-judges, ay dapat umiwas sa pagbibitaw ng mga salitang tila nagpapakita ng pagkiling o paghusga sa kaso bago pa man maiharap ang mga ebidensiya.

“Sana hindi na maulit ‘yun. We should limit what we say to the public specially how we prejudge the impeachment as well as the coming evidence during the trial,” ayon sa kongresista.

Nang tanungin kung paano maaapektuhan ng pahayag ang proseso, sinabi ni Defensor na maaaring isipin ng iba na gusto na agad ibasura ang kaso kahit hindi pa nagsisimula ang paglilitis.

“Hindi maiwasan na ma-interpret ang sinasabi nila as telegraphing a dismissal early on before the trial will start,” ani Defensor.

Dagdag pa niya, ang ganitong mga pahayag ay maaaring makasira sa tiwala ng publiko sa Senado bilang isang patas at makatarungang impeachment court.

“It affects the people’s perception of how the case will go about and how the trial will proceed. It’s telegraphing how they want the case to be decided early on, even before the evidence is presented,” giit pa ni Defensor.

Ipinaalala rin ng kongresista na ang impeachment ay nakasaad sa Konstitusyon at galing sa kalooban ng taumbayan. Giit niya, dahil higit 215 miyembro ng Kamara ang bumoto para dalhin ito sa Senado, nararapat lamang na ito ay dinggin sa patas at buong paglilitis.

“Remember that the impeachment is a political process. It is an act not only by the members of Congress but representatives of Filipinos who were delegated by the people to initiate impeachment proceedings,” paliwanag ni Defensor.

“So galing ito sa tao na bumoto sa more than 215 members of Congress who represented Filipinos. Kaya hindi ito witch hunt,” dagdag pa ni Defensor na isa sa mga House prosecutor.

“Pakinggan muna natin ‘yung ebidensiya bago tayo magsalita. Even as a prosecutor, I did not prejudge a conviction or an acquittal. All we are saying is that may ebidensiya dito at naniniwala ang more than 215 members of Congress. Dapat pakinggan n’yo before calling it a witch hunt,” sinabi ni Defensor.

Ipinahayag din ni Defensor ang kumpiyansa ng prosekusyon sa tibay ng kanilang kaso matapos nilang maisumite ang isang detalyado at maayos na sagot sa depensa ng Pangalawang Pangulo.

“I’m so glad that we filed a very good, well-written and authoritative reply para makita kung gaano katatag ‘yung kaso at sana mailatag natin sa publiko,” saad pa ng mambabatas.

Nanawagan siya sa taumbayan na tutukan ang proseso, at nagbabala na ang mabilis na pagbasura sa impeachment ay maaaring maging masamang halimbawa sa mga susunod na kaso sa hinaharap.

“Every Filipino should watch this impeachment. Bantayan natin ito kasi para ito sa taong-bayan,” diin ni Defensor.