Trafficking

Bagong human trafficking ruta sa Pakistan nakakanginig-laman

231 Views

NAGPAHAYAG ng matinding pagkabahala si Senador Sherwin Gatchalian hinggil sa mga lumalabas na ulat na ginagamit umano ngayon ng mga sindikatong kriminal ang Pakistan bilang bagong ruta sa human trafficking ng mga Pilipino. Karamihan sa mga nabibiktima ay yaong mga nagnanais makahanap ng mas magandang kabuhayan sa ibang bansa upang makaahon sa kahirapan.

“Reports indicating Pakistan as a new human trafficking route are deeply alarming,” ani Gatchalian. Kasabay nito, nanawagan siya ng mabilis at matatag na aksyon mula sa pamahalaan upang agad na mapigilan ang naturang krimen. “The government must act swiftly to put an end to human trafficking.”

Binigyang-diin ng senador na hindi dapat maging kampante ang taumbayan, lalo na’t maraming kababayan natin ang nalilinlang ng mga sindikato dahil sa pangakong makakaahon sila sa hirap ng buhay. “Huwag natin silang pabayaang mahulog sa bitag ng mga kriminal dahil lang sa hangad nila na makaahon sa kahirapan,” mariing babala niya.

Ayon pa kay Gatchalian, may posibilidad na ang mga dating sangkot sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) ang nasa likod ng panibagong galaw ng human trafficking. “Malamang na mga taong dating sangkot sa POGO ang gumagawa ng ganitong kriminalidad na nambibiktima ng mga walang malay nating kababayan.”

Dahil dito, iginiit ng senador ang pangangailangan ng mas matibay na koordinasyon sa mga ahensyang miyembro ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT), gayundin sa mga ahensyang nagpapatupad ng batas, upang mapahusay ang pagbabantay sa mga hangganan ng bansa at masugpo ang operasyon ng mga trafficking syndicates.

Sa gitna ng patuloy na pagbabago ng mga international trafficking routes, binigyang-linaw ni Gatchalian na kailangang umangkop ang mga estratehiya ng gobyerno upang mapanatiling ligtas ang mga Pilipinong nasa panganib.