Calendar
Barbers isinulong lpanonood sa paaralan ng doku ukol sa mangingisdang Pilipino sa WPS
ISINUSULONG ng dating mambabatas mula sa Mindanao ang libreng pagpapalabas sa lahat ng pampublikong high school, kolehiyo, at unibersidad sa Pilipinas ng 82-minutong dokumentaryong pelikula na tumatalakay sa dinaranas ng mga mangingisdang Pilipino na kumakayod sa West Philippine Sea (WPS), gayundin sa pagsusumikap ng mga awtoridad ng Pilipinas sa harap ng tensyon sa rehiyon.
Si paalis na Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, dating chairman ng House Committee on Dangerous Drugs at Quad Committee, ang nagmungkahi nito kasunod ng kabiguang mapigilan ng pamahalaan ng China ang pagpapalabas sa New Zealand ng kontrobersyal na pelikulang pinamagatang “Food Delivery: Fresh from the West Philippine Sea” ni direktor Baby Ruth Villarama.
“Every freedom-loving, nationalistic and patriotic Filipinos, particularly the young ones, should be able to watch this movie which should be shown, in coordination with filmmaker Baby Ruth Villarama, in all high schools, colleges and universities in the country, so they could get the real glimpse of what’s happening in the West Philippine Sea,” ayon kay Barbers.
Kung maisusulong ang mungkahi, sinabi ni Barbers na hihilingin niya sa Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) na lagyan ng local dialect subtitles ang pelikula upang mas madaling maintindihan ng mga estudyanteng Pilipino ang nilalaman ng kwento.
Nitong Biyernes, humiling ang Chinese Consulate General sa Auckland sa mga organizer ng Doc Edge Film Festival sa New Zealand na ipatigil ang pagpapalabas ng pelikula, na ginawaran ng Tides of Change Award. Ngunit tinanggihan ng mga organizer ang hiling ng China at itinuloy ang pagpapalabas.
“Sobra na itong China government sa kanilang pakikialam sa ating bansa. Nuong una at hanggang ngayong, gusto nilang kontrolin ang West Philippine Sea, na sinabi na sa 2016 Unclos arbitral ruling na wala silang legal and historic rights,” ani Barbers.
“Ngayon, gusto naman nila tayong patahimikin sa katotohanan sa pamamagitan ng pag-pigil at pag-kontrol o baguhin ang ating pag-iisip at pananaw sa realidad na kinakaharap ng ating mga mangingisda at maritime defenders sa WPS,” dagdag pa niya.
Iminungkahi ni Barbers na matapos ang pagpapalabas ng pelikula sa mga sinehan at/o telebisyon sa bansa, dapat gumawa ng hakbang ang gobyerno sa pamamagitan ng DepEd at CHED upang maipalabas ito sa lahat ng pampubliko at pribadong high school, kolehiyo, at unibersidad.
“Ang ipinapakita sa nasabing pelikula ay realidad na nagaganap sa ating mga mangingisda at maritime defenders sa West Philippine Sea na walang bahid ng pulitika o kung anupaman. At sa palagay ko, hindi naman masama na mapanood at malaman ng ating mga mag-aaral ang tunay na nagaganap sa nasabing rehiyon,” ani Barbers.
“Walang pumipigil sa China sa kung anumang naratibo, propaganda o interpretasyon nila sa mga nagaganap sa WPS. At nararapat din lamang ni di tayo dapat pakialaman ng China kung anumang pag-iisip, katotohanan at interpretasyon nating mga Filipino sa nasabing rehiyon,” dagdag niya.
Sa panig naman ni Villarama, sinabi niya: “We have no politics behind the personal stories of our people, and make sure the world can see the truth about our struggles and quiet power. Kwento natin yun at ang WPS ay tunay na atin.”
Si Villarama, na inaming may dugong Tsino, ay nagbigay pa ng paanyaya sa pamahalaan ng China na panoorin ang pelikula at “engage in an open, sincere conversation as genuine friends and neighbors.”

