Calendar
Wala akong ineendorsong financing scheme — Sen. Bam
NANAWAGAN si Sen. Paulo Benigno “Bam” Aquino ng imbestigasyon hinggil sa isang pekeng AI-generated video na nagpapakita sa kanya na tagasuporta ng isang kahina-hinalang investment scheme.
Inihayag ng senador ang kanyang plano na magsulong ng batas upang labanan ang mapanlinlang na paggamit ng deep fake technology.
Ang nasabing video, na mabilis na kumalat sa social media, ay nagpapakita ng isang artipisyal na news segment na inihahatid ng babaeng newscaster.
Ipinapakita rito na umano’y sumusuporta si Aquino sa isang “national platform for inclusive financial growth” na nangangakong kikita ang mga mamumuhunan ng hanggang P175,000 kada linggo kapalit ng paunang na P15,000 bilang puhunan.
“Walang katotohanan ang kumakalat na AI video kung saan ini-endorso ko ang isang programa kung saan maaaring kumita nang malaki ang ating mga kababayan kapalit ng investment,” pahayag ni Aquino.
Iginiit din niya na kailangang panagutin ang nasa likod ng video.
Hinikayat din ni Aquino ang mga social media platform na tanggalin agad ang video upang mapigilan ang pagkalat ng panlilinlang, lalo na sa mga ordinaryong Pilipino na maaaring malinlang ng mga pekeng pangako ng malaking kita.
Bilang tugon sa tumitinding banta ng mga mapanlinlang na nilalaman mula sa artificial intelligence, sinabi ng senador na siya’y maghahain ng panukalang batas na magbabawal sa paggamit ng imahe o pagkakahalintulad ng isang tao sa mga AI-generated na materyal, lalo na kung ito’y ginawa upang manloko o mandaya.
“Kailangang mapatawan ng karampatang parusa ang mga gumagawa ng ganito para manloko ng kapwa,” giit ni Aquino.
Ang insidenteng ito ay nagpapakita ng lumalaking pangamba sa maling paggamit ng AI sa paglikha ng makatotohanang pekeng nilalaman—isang panganib sa tiwala ng publiko, seguridad sa pananalapi at reputasyon ng bawat isa.

