Suspek Iniharap ng NBI sa publiko ang suspek sa pagbebenta ng mga pekeng license galing umano sa CAAP. Kuha ni JON-JON C. REYES

Nagbebenta ng pekeng lisensiya ng piloto arestado

Jon-jon Reyes Jul 11, 2025
265 Views

INARESTO ang isang lalaki ng National Bureau of Investigation (NBI) Cavido North District Office (CAVIDO North), sa ilalim ng pangangasiwa ni NBI Director Jaime Santiago, noong Miyerkoles dahil sa pagbebenta ng mga pekeng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) pilot at aircraft mechanic licenses.

Ayon kay Santiago, nakatanggap ang NBI ng liham mula sa CAAP Security and Intelligence Service (CSIS) at humihiling ng tulong sa imbestigasyon hinggil sa online na pagbebenta ng mga pekeng lisensya ng CAAP ng suspek na si alyas Eddie Bayotes, na talamak at kumakalat sa social media.

Sa pamamagitan ng modus na ito, maaaring makakuha ng CAAP license nang hindi nagtataglay ng mga kinakailangang kasanayan at mga kinakailangan sa regulasyon ng pamahalaan kapalit ng halaga ng pera.

Ang pagsasamantalang ito ng pekeng lisensya ng CAAP ay nagdudulot ng potensyal na aksidente sa aviation.
Dahil dito, nagsagawa ng entrapment ang NBI-CAVIDO North agents, kasama ang mga tauhan ng CAAP, sa isang mall sa Maynila na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek sa tulong ng poseur-customer.

Iniharap ang suspek sa inquest proceedings sa Manila City Prosecutor’s Office para sa kasong falsification by private individuals and use of falsified documents at Cybercrime Prevention Act of 2012.