Legarda

Ekonomiya iginiit na pwedeng lumago na kalikasan di sinasakripisyo

348 Views

SA nalalapit na ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hinikayat ni Senadora Loren Legarda ang pamahalaan na gawing sentro ng talumpati ang mga repormang tunay na makikinabang ang mamamayang Pilipino—hindi lamang ang pagdiriwang ng mga nakamit.

Sa kanyang inilabas na pahayag, binigyang-diin ni Legarda ang pangangailangang tugunan ang mga pangunahing isyu ng bansa gaya ng hamon ng climate change, kalidad ng edukasyon, at pananagutan sa pamahalaan.

Isa sa mga prayoridad niyang panukala ay ang Blue Economy Act, na aniya’y “use our rich marine resources to drive inclusive economic growth, but it does so while protecting the environment and strengthening our coastal communities’ resilience.”

Isinusulong rin ng senadora ang Living Wage Act, na layong tiyakin na sapat ang kita ng mga kawani ng pamahalaan para sa disenteng pamumuhay.

Katuwang nito ang Pangkabuhayan Act, na layuning pagsama-samahin ang iba’t ibang livelihood programs sa ilalim ng isang pambansang sistema at magtatag ng mga help desk sa lokal na antas na may tiyak na pondong laan para sa mga maliliit na negosyante at walang trabaho.

Sa sektor ng edukasyon, kinatigan ni Legarda ang Complementarity in Education Act, na nagsusulong ng mas matibay na ugnayan ng mga pampubliko at pribadong paaralan upang mas mapalawak ang akses ng mga mag-aaral.

Isinusulong din niya ang pag-amyenda sa Philippine Teachers Professionalization Act, upang magkaroon ng mas praktikal at makatuwirang landas sa pagkuha ng lisensiya ng mga guro.

Para sa mas epektibong pamahalaan, isinusulong niya ang Open Government Data Act at Results-Based Governance Act, na kapwa naglalayong palakasin ang transparency at pananagutan sa gobyerno.

Samantala, kaugnay ng lumalalang epekto ng climate change, iminungkahi rin niya ang rebisyon ng Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act upang mas mapahusay ang kahandaan ng mga komunidad, sistema ng babala, at mga plano sa pag-angkop sa sakuna.

“We’re committed to pushing for the immediate passage of this and other measures that respond directly to the needs of our people,” iginiit ni Legarda. “We hope the SONA not only celebrates progress but also creates space for bold and forward-looking reforms that can truly uplift the lives of Filipinos.”

Sa kabuuan, ang mensahe ni Legarda ay nananawagan ng isang mas makabuluhang direksyon para sa bansa—isang adyendang hindi lamang nakatuon sa mga numero kundi sa konkretong aksyon na makatutulong sa bawat Pilipino.