Calendar
CONSULTATIVE FORUM – Inihayag ni re-elected Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez ang kahalagahan ng konsultasyon upang mas pagtibayin ang kultura ng paglikha ng batas na nakabatay sa pakikinig, pagtugon at aksyon, sa Congressional Consultative Forum on Regional Priorities para sa mga miyembro ng Kamara mula sa Regions X, XI at CARAGA na ginanap sa Almont Inland Resort, Butuan City.
Kuha ni VER NOVENO
Pagkakaisa ang ating lakas sa pagtayo ng Bagong Pilipinas — Rep. Romualdez
PINANGUNAHAN ni re-elected Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez ang isang Congressional Consultative Forum on Regional Priorities para sa Regions X, XI at CARAGA na isinagawa sa Almont Inland Resort, Butuan City.
Sa forum, nagsama-sama ang mga mambabatas mula sa iba’t ibang pangunahing partido tulad ng Lakas-CMD, Nacionalista Party (NP), National Unity Party (NUP), Partido Federal ng Pilipinas (PFP), Liberal Party (LP) at isang independent—patunay nang malawak at matatag na pagkakaisa para sa pagsusulong ng isang inklusibo at tumutugong pamahalaan.
“This forum is more than a gathering of colleagues—it is a reflection of our commitment to listening, learning, and legislating for the people. We are united not just by party lines, but by our shared duty to uplift every Filipino,” ani Romualdez.
Sinabi rin ni Romualdez na ang forum ay isang “listening session” kung saan ibinahagi ng mga mambabatas ang mga problema at mungkahi mula sa kanilang mga distrito upang maisama ito sa pambansang agenda.
“We are here to listen. We are here to understand your realities, your aspirations, and your solutions. The 20th Congress is committed to being a partner in turning regional visions into national progress,” sabi ni Romualdez sa kanyang keynote address.
Dumalo rin sa pagtitipon sina dating Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. at Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez, na muling nagpahayag ng suporta sa liderato ng Kamara sa mga programang makakatulong sa pag-unlad ng mga distrito at sa pagtugon sa mga problema ng lipunan.
Ipinahayag din ni Romualdez na planong paigtingin pa ng Kamara ang ganitong uri ng konsultasyon sa mga susunod na buwan upang mas pagtibayin ang kultura ng paglikha ng batas na nakabatay sa pakikinig, pagtugon at aksyon.
Isa sa mga pangunahing tinalakay sa forum ay ang “House-to-House Agenda,” ang seven-point framework na magsisilbing gabay sa mga pangunahing panukalang batas na isusulong sa 20th Congress.
Nakaugnay ito sa socio-economic roadmap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at layuning itaguyod ang mas inklusibo at pangmatagalang pag-unlad. Kabilang na ang:
1. Seguridad sa Pagkain – Pagsuporta sa makabagong agrikultura at lokal na sistema ng pagkain.
2. Malinis na Tubig – Pagpapalawak ng imprastraktura para sa ligtas at sapat na suplay ng tubig lalo na sa mga liblib na lugar.
3. Mura at Matatag na Kuryente – Pagsusulong ng reporma sa enerhiya at rural electrification.
4. Maaasahang Transportasyon – Pagpapalakas ng konektibidad sa pamamagitan ng kalsada, pantalan at pampublikong transportasyon.
5. Napapanatiling Kabuhayan – Pagsuporta sa MSMEs, kooperatiba at lokal na industriya para sa pangmatagalang trabaho.
6. Abot-kayang Serbisyong Pangkalusugan – Pagpapaigting ng serbisyo sa mga rural hospital at barangay health station.
7. De-kalidad na Edukasyon – Pagsuporta sa mga paaralan, guro at digital learning platforms.
“Gobyernong may malasakit. Kongresong may puso. Sa pagkakaisa natin, walang maiiwan sa Bagong Pilipinas,” diin ni Romualdez sa mga dumalo.
Tiniyak din ni Romualdez sa kanyang mga kapwa mambabatas na bukas ang liderato ng Kamara sa pagtulong upang maisakatuparan ang kani-kanilang mga adbokasiya at matiyak na ang pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan ay maisasama sa mga panukala at paglalaan ng pondo ng gobyerno.
Naroon din sa forum ang mga sumusunod na kinatawan:
• Rep. Jose “Joboy” Aquino II (Butuan City, Lakas-CMD)
• Rep. Dale Corvera (Agusan del Norte, Lakas-CMD)
• Reps. Alfelito Bascug at Adolph Edward Plaza (Agusan del Sur, NUP)
• Rep. Francisco Matugas (Surigao del Norte, Lakas-CMD)
• Reps. Romeo Momo at Alexander Ty Pimentel (Surigao del Sur, NP at PFP)
• Rep. Kaka Bag-ao (Dinagat Islands, LP)
• Rep. Lordan Suan (Cagayan de Oro City, Lakas-CMD)
• Rep. Yevgeny Vicente “Bambi” Emano (Misamis Oriental, NP)
• Rep. Arlyn Ayon (SWERTE Party-list)
• Reps. Maria Carmen Zamora, Leonel “Jhong” Ceniza at Nelson Dayanghirang Jr. (Davao de Oro at Davao Oriental)
• Rep. De Carlo “Oyo” Uy (Davao del Norte, Lakas-CMD)
• Rep. John Tracy Cagas (Davao del Sur, NP)
Dumalo rin si Governor Johnny Pimentel ng Surigao del Sur, na binigyang-diin ang kahalagahan ng mas matatag na ugnayan sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan at mga mambabatas sa Kongreso, upang mapabilis ang pagpapatupad ng mga programang pangkaunlaran sa mga rehiyon.
Ang forum ay bahagi ng serye ng regional engagements ng House of Representatives na naglalayong ilapit ang proseso ng paggawa ng pambansang polisiya sa mga lokal na pamahalaan.
Layunin nitong palakasin ang pagsusulong ng grassroots-driven legislation at tiyakin na ang mga lokal na prayoridad ay maayos na naiaangkop at naisasama sa national development agenda.

