Calendar
Hontiveros: Hindi na papayagan pagsulpot ng mga ‘Alice Guo’
“HINDI papayagan ang pagsulpot ng mga Alice Guo.”
Muling nanindigan si Sen. Risa Hontiveros laban sa paggamit ng pekeng identidad ng mga dayuhan upang magpanggap na Pilipino, kasunod ng isang panibagong kaso na inihalintulad sa kontrobersyal na isyu ni “Alice Guo.”
“Nobody should be able to purchase being a Filipino,” ani Hontiveros, kaugnay ng mga impormasyong lumabas sa mga pagdinig sa Senado na nagsiwalat ng sistematikong pagbebenta at maling paggamit ng mga opisyal na dokumento—lalo na sa mga operasyon na may kaugnayan sa Philippine offshore gaming operation (POGO).
Matatandaang si Alice Guo, dating alkalde ng Bamban, Tarlac, ay napag-alamang isang Chinese national na umano’y gumamit ng pinekeng mga dokumento mula sa gobyerno ng Pilipinas upang makuha ang posisyon.
Ang nasabing insidente ay lalong nagbukas ng diskusyon hinggil sa panloloko sa identidad at sa posibleng impluwensiya ng mga dayuhang sindikato sa bansa.
Nanawagan ang senadora sa mga ahensiyang nagpapatupad ng batas na agad tugisin ang mga sangkot sa pagbebenta ng mga pekeng dokumento.
Hinikayat din niya ang Philippine Statistics Authority (PSA) at Department of Foreign Affairs (DFA) na magsagawa ng masusing internal cleansing upang masugpo ang katiwalian.
“Dapat bigyang-prayoridad ng gobyerno ang paglinis sa mga dumi at kalat na iniwan ng mga POGO,” iginiit niya.
Sa kabuuan, binigyang-diin ni Hontiveros na ang maluwag na sistema at hindi kontroladong operasyon ng mga POGO ay patuloy na nagdudulot ng banta sa pambansang seguridad ng Pilipinas.

