LTO

Wala nabg backlog sa plaka–LTO

Jun I Legaspi Jul 15, 2025
300 Views

BILANG pagtugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na resolbahin ang matagal nang problema sa mga plaka ng sasakyan, naresolba ng Land Transportation Office (LTO), sa pamumuno ni Atty. Vigor D. Mendoza II, ang backlog na naging suliranin ng pamahalaan sa loob ng halos isang dekada.

Pinalakas ng LTO ang produksyon ng mga plaka sa nakalipas na dalawang taon.

Batay sa datos noong Hunyo 30, 2025, umabot sa kabuuang 18,578,612 ang nalikhang plaka na nagsilbing mahalagang hakbang upang tuluyang mabura ang naipong backlog mula pa noong 2014.

“Ikinagagalak naming ibalita na natupad ng inyong LTO ang pangako kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos, Jr. na mawawala na ang backlog sa mga plaka ng motorsiklo at sasakyan bago sumapit ang Hunyo 2025,” ani Assistant Secretary at LTO Chief, Atty. Greg G. Pua.

Si Asec. Mendoza mismo ang nangako kay Pangulong Marcos na lulutasin ang backlog sa plaka sa pagpupulong sa Palasyo ng Malacañang noong nakaraang taon.

“Malinaw ang bilin ng Pangulo: Bilisan ang produksyon ng plaka at huwag nating biguin ang sambayanang Pilipino,” ani Asec. Mendoza.

“Sa huling araw ng Hunyo 2025, naisakatuparan natin ang pangakong ito sa pamamagitan ng paglikha ng kabuuang 18,578,612 plaka, na sumasaklaw sa mga dating backlog at kasalukuyang pangangailangan,” ani Pua.

Sa nasabing bilang, 11,815,068 ay para sa mga motorsiklo at 6,763,544 (katumbas ng 3,381,772 pares) ay para sa mga sasakyan.

Nagsimula ang problema sa backlog ng plaka noong 2014 at lalo pang lumala dahil sa iba’t-ibang factors, na nagresulta sa milyun-milyong pending na plaka para sa parehong motorsiklo at sasakyan.

Ngayon na natapos na ang napakalaking hamong ito, sinabi ni Pua na sisimulan na ng LTO ang mas mabilis na paghahatid ng mga plaka sa mga motorista na naapektuhan ng backlog.

Mahigit pitong milyong plaka na ang naipamahagi sa kani-kanilang mga may-ari.