DA

DA sinuspinde importasyon ng salay-salay, mackerel

Cory Martinez Jul 15, 2025
223 Views

SINUSPINDE ng Department of Agriculture (DA) ang pag-iisyu ng Sanitary at Phytosanitary Import Clearance (SPSIC) sa importasyon ng ilang mackerel at ilang uri ng salay-salay, kasunod ng ulat ng umano’y pang-aabuso sa import permit na maaaring magpabagsak sa lokal na bilihan ng isda.

Sa Memorandum Order no. 38 na nilagdaan ni DA Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., iniutos niya ang nag-aatas sa agarang pagpapatigil sa pag-iisyu ng SPSIC para sa import ng horse mackerel – kabilang na ang Atlantic at Japanese jack mackerel – Indian mackerel, wahoo at parehong torpedo o hardtail scad.

Ipapatupad ang suspensiyon kasunod ng alegasyon na ilang importers ang nagmisdeklara o naglipat ng kanilang shipments ng mga produktong isda at nagpahina sa layunin ng DA na mapatatag ang supply at mapanatiling abot-kaya ang presyo ng isda at ginugulo pa ang lehitimong takbo ng kalakalan.

Ayon kay Tiu Laurel, dapat na transparent at patas ang importasyon ng mga mahalagang bilihing ito.

Nagpapalakas ang aksiyon ng DA sa pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. paigtingin ang seguridad sa pagkain, pagiging patas sa merkado at pagpapanatili sa kabuhayan ng mga mangingisda at aquaculture sectors.

Nilinaw Tiu Laurel na hindi import ban ang kautusan kundi pansamantalang hakbang upang masigurong ganap na nasusunod ang mga regulasyon na naaayon sa pambansang interes.