Estomo

Ex-PNP general itinanggi paratang ng whistleblower

Alfred Dalizon Jul 15, 2025
344 Views

ITINANGGI ni Retiradong Pulis na si Lieutenant General Jonnel C. Estomo nitong Martes ang lahat ng alegasyong ibinato sa kanya ng isang whistleblower na konektado sa kaso ng mga nawawalang sabungero. Aniya, handa siyang humarap sa anumang imbestigasyon upang linisin ang kanyang pangalan.

Si Lt. Gen. Estomo, dating Deputy Chief for Operations ng Philippine National Police (PNP) at direktor ng National Capital Region Police Office (NCRPO), ay nagsabing isa lamang siya sa maraming Pilipino na naghahangad ng hustisya para sa mga nawawalang sabungero. Gayunman, hindi umano niya papayagang sirain ni Julie “Dondon” Patidongan ang kanyang pangalan at reputasyon.

“Una sa lahat, nirerespeto ko ang tawag ng katarungan hinggil sa isyu ng missing sabungeros at sa karapatan ng kanilang mga mahal sa buhay na malaman ang tunay na nangyari at makamit ang hustisya.

Ikalawa, mariin kong itinatanggi ang anumang kaugnayan ko sa usaping ito at ako’y maghahain ng ebidensyang maglilinaw sa aking pangalan, sapagkat ang pag-uugnay sa akin ay walang sapat na patunay. Habang hindi ko pangungunahan ang anumang imbestigasyon, naniniwala ako na ang katotohanan lamang—at hindi mga sabi-sabi—ang dapat manaig sa paghahanap ng katarungan,” ayon kay Estomo, miyembro ng PMA ‘Tanglaw-Diwa’ Class of 1992.

Iginiit rin ni Estomo na ang mga aktibo at dating pulis na una nang naidawit sa diumano’y pagdukot at pagpatay sa mga sabungerong nasangkot sa dayaan o game-fixing ay hindi kailanman naging tauhan niya.

Tinawag rin niyang “puro tsismis” ang alegasyon ni Patidongan na umano’y inutusan daw ni Estomo si negosyanteng Charlie “Atong” Ang na ipa-assassinate siya.

Bilang isang retiradong opisyal na maraming medalya, dating naging direktor din si Estomo ng PNP Anti-Kidnapping Group kung saan mula 2019 hanggang 2021 ay pinangunahan niya ang maraming operasyon laban sa kidnapping-for-ransom gangs—marami sa mga ito ay mga banyagang Tsino na sangkot sa mga POGO-related na krimen.

“Handa akong sagutin ang anumang paratang sa tamang forum upang linisin ang aking pangalan. May tiwala ako sa patas na hustisya at due process ng batas.

At para kay G. Patidongan, dahil sa kanyang ginawang paninira sa aking pagkatao at reputasyon, inihahanda na ng aking mga abogado ang kaukulang kaso laban sa kanya dahil sa malisyoso at walang basehang akusasyon. Naniniwala akong sa huli, ang katotohanan ang mananaig,” pahayag ni Estomo.

Noong Lunes, nagtungo sina Patidongan at ang ilang kaanak ng 34 na nawawalang sabungero sa National Police Commission (Napolcom) upang pormal na magsampa ng reklamo laban sa mas maraming pulis na umano’y sangkot sa pagkawala ng mga sabungero.

Ayon kay Patidongan, ang mga nasabing pulis ay sangkot sa pagdukot at paglipat ng mga sabungero mula sa mga farm patungong Taal Lake.

Iniutos ni PNP Chief General Nicolas D. Torre III ang paglalagay sa restrictive custody sa Camp Crame ng 15 aktibong pulis na nadawit sa kaso upang agad silang maharap sa imbestigasyon.

Ayon kay Napolcom Vice Chairman Atty. Rafael Vicente Calinisan, sa mga iniimbestigahang pulis, 13 ang kasalukuyang nasa aktibong serbisyo, habang 5 ang nauna nang napatalsik sa hanay ng kapulisan.

Dagdag pa ng opisyal, hihingan nila ng paliwanag ang mga sangkot na pulis upang marinig ang kanilang panig.