Calendar
PBBM pinangunahan paglulunsad ng 50% diskwento para sa mga seniors, PWD sa LRT-1, LRT-2, MRT-3
PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang paglulunsad nitong Miyerkoles ng 50 porsiyentong diskwento ng Department of Transportation (DOTr) para sa mga senior citizen at persons with disability (PWDs) na sumasakay sa LRT-1, LRT-2 at MRT-3.
“Noong nakaraan, nakapagbigay tayo ng diskwento sa ating mga estudyante—basta’t magpakita ng student ID ay makakakuha sila ng 50 percent na diskwento,” pahayag ni Pangulong Marcos sa kanyang talumpati sa paglulunsad na ginanap sa Metro Rail Transit line 3 (MRT-3) Santolan Station.
“Ngayon naman ay idadagdag natin sa grupong ‘yun ang mga senior citizen at mga PWD na mabibigyan din ng 50 percent discount,” dagdag ng Pangulo sa harap ng grupo ng senior citizens na natuwa at nagsigawan sa tuwa matapos marinig ang anunsyo.
Simula Hunyo 20, nagbigay na ang DOTr ng 50 porsiyentong diskwento sa pamasahe ng Light Rail Transit line (LRT-1), LRT-2 at MRT-3 para sa lahat ng estudyante, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos.
Ang mga diskwento sa pamasahe ay bahagi ng layunin ng Pangulo na mapagaan ang pinansyal na pasanin ng mga pasahero.
Ang bagong inisyatiba para sa mga senior citizen at PWD ay nagtaas ng diskwento mula sa dating 20 porsiyento tungo sa 50 porsiyento. Epektibo na ang bagong diskwento simula nitong Miyerkoles.
Matapos ang paglulunsad, sumakay ang Pangulo sa isa sa mga Dalian train na dumating ilang minuto bago niya matapos ang kanyang talumpati.
Kasamang sumakay ng tren ng Pangulo ang ilang senior citizens.
Sa loob ng tren, nakipagkamay si Pangulong Marcos at niyakap ang ilan sa mga senior citizen. Ang iba naman ay masigabong bumati sa Pangulo bago siya bumaba ng tren bago ito umalis patungo sa susunod na estasyon.
Kabilang sa mga opisyal ng gobyerno na dumalo sa paglulunsad ay sina DOTr Secretary Vivencio Dizon, General Manager Michael Capati ng MRT-3 at Acting Secretary Dave M. Gomez ng Presidential Communications Office (PCO). PND
