Poe

Poe naghain ng panukalang batas para protektahan kapakanan ng mga hayop

Mar Rodriguez Jul 16, 2025
402 Views

BAGAMA’t walang Party List group sa Kongreso na magtatanggol sa kapakanan ng mga hayop, ipinakita naman ni FPJ Panday Bayanihan Party List Representative Brian Poe Llamanzares ang kaniyang malasakit para sa mga animals.

Isinulong ng anak ni dating Senator Grace Poe Llamanzares ang kaniyang panukalang batas sa Kamara de Representantes para amiyendahan o magkaroon ng revision sa Animal Welfare Act of 1998 para mapangalagaan ang mga hayop.

Ipinaliwanag ni Poe na layunin ng kaniyang panukalang batas (House Bill No. 1746) na matukoy ang tunay na kahulugan ng “animal” at kung ano-ano ang mga aspetong sinasaklaw ng batas para tunay na maprotektahan ang kapakanan ng mga hayop.

Sinabi din ni Poe na maraming mga “pet owners” ang umaangal dahil sa kawalan ng matibay na batas na mangangalaga sa interes ng mga hayop kung saan nais ng mga may-ari na magkaroon ng mas mahigpit na batas para sa mga hayop.

Aminado ang bagitong kongresista na maraming “loopholes” o butas ang kasalukuyang batas kung kaya’t may ilang indibiduwal ang walang pakundangan ang malupit na pagtrato sa mga hayop. Habang ang iba naman ay ignorante sa prinsipyo ng “animal rights”.

“We listened to our constituents and improved upon the original bill filed in the 19th Congress addressing all concerns and plugging any loopholes. Under my bill, animal is defined as sentient beings whether domesticated or wild animals including companion animals, livestock captive animals, service animals and wildlife” paliwanag ni Poe.

Sa ilalim ng panukalang batas ni Poe, ang depinisyon ng animal ay bilang “sentient beings” ito man ay wild o domesticated animal kasama na dito ang lahat ng klase ng hayop, isda, livestock gaya ng baboy, manok, kabayo at iba pang mga kauri nito.