Diokno

‘Senado dapat pakinggan panawagan ng taumbayan’

307 Views

NANAWAGAN si Akbayan Party-list Rep. Jose Manuel “Chel” Diokno sa Senado na sundin ang utos ng Konstitusyon at pakinggan ang panawagan ng taumbayan na pasagutin si Vice President Sara Duterte sa mga alegasyon sa kanya sa impeachment court.

Ang pahayag ni Diokno ay kasunod ng paglabas ng pinakahuling Social Weather Stations (SWS) survey kung saan 66 porsyento ng mga Pilipino ang sumusuporta na harapin ni Duterte ang mga paratang sa pamamagitan ng impeachment process, habang 19 porsyento ang hindi sang-ayon at 15 porsyento naman ang hindi sigurado.

“Tingin ko, matagal nang iniintay ng sambayanang Pilipino na makita ang ebidensya ng prosecution doon sa impeachment case,” sabi ni Diokno sa isang press conference nitong Miyerkoles.

“‘Yun mismo ang utos ng Saligang Batas na ‘pag dumating ‘yung verified complaint na may pirma ng at least one-third na members ng House, ‘yan ay ituturing na articles of impeachment at agad-agad kailangan magkaroon na ng trial,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin ni Diokno na walang dahilan para patagalin pa ang proseso kapag natanggap na ng Senado ang verified articles of impeachment na nakasaad sa Konstitusyon.

“Pag sinabi nating trial, ang ibig sabihin non ay ‘yung mismong pagharap ng ebidensya, pag-upo ng mga testigo para malaman natin kung ano ba talaga ang kaso,” paliwanag niya.

“Sa impeachment kasi, hindi lang naman ang mga senators ang naghuhusga. Pati lahat tayong mga Pilipino ay judge din dahil ‘di ba ang kasabihan natin sa Konstitusyon ay ‘public office is a public trust’—and that trust must never be abused or violated,” giit pa ni Diokno.

Ayon kay Diokno, ang maigting na atensyon ng publiko sa mga pagdinig ng Kamara ay nagpapakita kung gaano sila nakikibahagi sa proseso at kung gaano kahalaga para sa kanila ang transparency at accountability.

“Noon pa lang hearings ng iba’t ibang committee ng House of Representatives, nakita naman nating lahat na tutok na tutok ang mga ordinaryong Pilipino,” aniya.

“Halos lahat ng mga tahanan ay alam nila kung ano ang nangyayari, kung sino ang tumestigo, anong ebidensya ang hinaharap—and that, I believe, really raised their attention and awareness about what impeachment is all about,” dagdag niya.

Binigyang-diin din niya na bagama’t hindi lamang opinyon ng publiko ang batayan sa pagdedesisyon, hindi ito dapat balewalain ng mga halal na opisyal, kabilang na ang mga senator judges.

“Well, tingin ko naman lahat ng mga nasa pamahalaan ay sensitive sa public opinion. Whether they will admit it or not, that is always a factor, especially for elected officials,” sabi ni Diokno. “Pero para sa akin, ‘yun talagang dapat mangibabaw dito ay ano ba ‘yung utos ng ating Saligang Batas, at sa akin malinaw ‘yun—conduct the trial now.”

Malugod ding tinanggap ni Diokno ang anunsyo ni Sen. Joel Villanueva na muling magko-convene ang Senado bilang impeachment court sa Agosto 4, na aniya ay isag positibong hakbang tungo sa pagtupad ng kanilang tungkulin sa ilalim ng Konstitusyon.

“The Constitution commands that the Senate, after it has convened the impeachment court, must conduct the trial forthwith. That should happen. Para sa akin, ‘yun na talaga ang kailangang mangibabaw sa lahat ng mga senator-judge natin,” aniya.

Dagdag pa ni Diokno, ang pinakahuling resulta ng survey ay dapat magsilbing “eye opener” sa lahat ng opisyal ng pamahalaan.

“Tingin ko ‘yung lumabas sa survey, talagang eye opener ‘yan para sa lahat. Kasi ang pinapakita niyan, inaantay ng sambayanang Pilipino ‘yung paglitis nito. We are all waiting for the trial to begin. I think you can come to that conclusion from the results of the survey,” diin niya.