Aquino

Sen. Bam tiniyak pagiging patas sa impeachment trial

278 Views

TINIYAK ni Senador Paulo Benigno Bam Aquino na handang handa na siyang gampanan ang kanyang tungkulin bilang senator-judge sa impeachment trial ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte na nakatakdang magsimula sa Agosto 4, kasabay ng pagbubukas ng Ika-20 Kongreso.

“Handa na tayong gampanan ang tungkulin at responsibilidad bilang senator-judge,” ani Aquino sa isang post sa Facebook kung saan ay umaasa siyang matutuloy ang impeachment trial na ito na ayon sa kanya ay base sa isinasaad ng Konstitusyon.

Binigyang-diin ni Aquino ang kahalagahan ng due process at pagsunod sa Saligang Batas, sabay iginiit na ang interes ng publiko ang dapat manaig sa buong proseso. “Sa prosesong ito, titiyakin nating mananaig ang ating mga batas at kapakanan ng ating mamamayan,” dagdag niya.

Upang mas mapaghandaan ang pagdinig, sinabi niyang kumonsulta siya sa mga abogado at legal na eksperto. Tiniyak din niya na magiging masusi siya sa pagsusuri ng mga ebidensiyang ihaharap at pananatilihin ang pagiging patas.

“Bubusisiing mabuti ang mga ebidensyang ipepresenta, magiging mapanuri, at bukas ang mata at isip sa proseso. Sundin ang Konstitusyon — tuloy ang trial sa August 4,” aniya pa.

Bilang paghahanda, ibinahagi rin ng senador ang ilang larawan habang sinusukat ang itim na toga na isusuot ng mga senator-judge sa pagdinig.

“Malaki at mabigat ang katungkulan ito pero handa tayong gawin ang nakasaad sa Saligang Batas. Tayo ay magiging patas, matapang at sisiguraduhing walang papanigan sa ating pagdedesisyon,” pagtatapos ni Aquino.