Calendar
Iloilo Rep. Janette Garin
291 sa 314 kongresista ng 20th Congress suportado pagiging Speaker ni Romualdez— Garin
PUMIRMA ang 291 sa 314 miyembro ng Kamara de Representantes sa isang manifesto of support para sa pagiging Speaker ni Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez ngayong 20th Congress, ayon kay Iloilo Rep. Janette Garin.
“Nagulat ako nung nalaman ko yung latest kahapon na nasa 291 na members ng 20th Congress ang pumirma ng suporta para sa Speaker ng 19th Congress at ngayon ay re-elected bilang kongresista ng 1st District ng Leyte, si Congressman Martin Romualdez,” ani Garin sa isang online briefing nitong Huwebes.
“So 291. Napakalaking numero po niyan. Considering that we are only 300-plus, medyo overwhelming ‘yung pagpapakita ng suporta,” dagdag pa niya.
May kabuuang 317 ang miyembro ng Kamara subalit mayroon pang tatlong bakanteng upuan na hindi pa napupunan ng Commission on Elections.
Sa nalalapit na pagbubukas ng First Regular Session ng 20th Congress sa Lunes, sinabi ni Garin na malinaw na ang magiging tagumpay ni Romualdez.
“Siyempre wala pa ‘yung election. Pero the way things are running, medyo tumanda na ako sa Kongreso, this is my 6th term, last term of my 2nd round. Kitang-kita no, very clear that Congressman Martin Romualdez will be the next Speaker of the 20th Congress,” aniya.
Ayon kay Garin, ang suporta kay Romualdez ay nagmumula sa iba’t ibang partido, rehiyon, at mga ideological bloc, kabilang na ang mga dati niyang kritiko o katunggali.
Kabilang sa mga lumagda sa manifesto ay sina dating Pangulo at muling halal na Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, Negros Occidental Rep. Javi Benitez – anak ni Bacolod City Rep. Albee Benitez – at Davao Occidental Rep. Claude Bautista, na nagsilbing campaign manager ni Vice President Sara Duterte noong 2022 elections.
“Nagulat nga ako nung nakita ko ‘yung mga nakapirma kahapon. Andun ‘yung ating former President, Cong. Gloria Macapagal-Arroyo. Napirma rin doon si Cong. Claude Bautista who’s a good friend… At nakapirma rin doon ‘yung anak ni Cong. Albee Benitez, si Cong. Javi Benitez,” ayon kay Garin.
Ayon kay Garin pipirma rin sa manifesto of support si Malasakit Party-list Rep. Girlie Veloso, na bahagi ng political network ni Sen. Bong Go kaya aakyat ang bilang ng sumusuporta kay Rep. Romualdez sa 292.
Binigyang-diin ng mambabatas mula Iloilo na ang Speakership ay karaniwang nakabatay sa dalawang pangunahing salik: ang suporta ng administrasyon at napatunayang kakayahan sa serbisyo at pamumuno.
“Well unang-una, ang Speakership kasi is usually based on two factors. ‘Yung ikaw ay may suporta ng administration at pangalawa, ikaw ay nakapagpakita ng iyong kakayanan na magsilbi,” aniya.
Itinuturing din ni Garin na ang suporta kay Rep. Romualdez ay sumasalamin sa pagiging inklusibo at bukas sa konsultasyon ng kanyang istilo ng pamumuno.
“It simply shows na ‘yung kanyang being, Congressman Martin’s being a consensus builder, ‘yung kanyang leadership na nakikinig, ‘yung kanyang liderato na nagde-delegate,” ani Garin.
Bilang halimbawa, binanggit niya ang mabilis na pagkilos ni Speaker Romualdez sa pagbibigay-kakayahan sa mga mambabatas na tumugon sa mga sakuna sa kani-kanilang distrito.
“Ito ay dahil binibigyan ng linya or pinasok ni Cong. Martin Romualdez sa sistema ‘yung agaran nakaka-aksyon ng mabilis,” paliwanag niya.
Ayon pa kay Garin, ang istilo ng pamumuno ni Rep. Romualdez ay umaayon sa Bagong Pilipinas agenda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na pinapahalagahan ang pagiging responsive at inclusive governance.
“If we go back, that’s the Bagong Pilipinas’ mission and vision where everybody can immediately respond kung may kailangan ang ating taong bayan,” aniya.
Binanggit din niya na ang pagbibigay-kapangyarihan ni Romualdez sa mga kapwa mambabatas ay nagresulta sa mas mabilis at epektibong lehislatibong sangay, lalo na sa panahon ng emergency.
“Wala kang ibang masabi so kahapon lang may bagyo… andyan kaagad ang ating mga representante na nakaka-aksyon agad because na-empower ni Congressman Martin Romualdez,” sabi ni Garin.
Ikinumpara pa niya ito sa mas sentralisadong pamumuno noong mga nakaraang termino, at iginiit na nakatuon si Rep. Romualdez sa pagtuklas ng potensyal ng bawat mambabatas upang makapagsilbi.
“Okay naman ‘yung ating previous speakers pero ito dedicated ‘yung powers so ibig sabihin ‘yung talagang tinitingnan nya paano makakatulong ‘yung bawat isa sa amin sa aming mga kababayan,” dagdag niya.
Pinuri rin ni Garin si Rep. Romualdez sa pagpapanatili ng integridad at propesyonalismo ng institusyon ng Kamara.
“There’s also that attitude of being inclusive and consultative, medyo bihirang trait ‘yan sa ating leaders and maintaining the institutional integrity and professionalism within the House is also something,” ayon pa sa kanya.
Binigyang-diin niya ang mga naipasa ng Kamara sa ilalim ng pamumuno ni Romualdez, gayundin ang pagsasaayos ng sistema ng pananaliksik at tugon sa mga hinaing ng publiko.
“Titingnan mo ang dami-daming nagawa ni Cong. Martin Romualdez nung 19th Congress na talagang masasabi mo na dapat ipagpatuloy even the staff of congressman… ‘yung support on how they do research, ‘yung pag-develop ng kanilang professionalism and ‘yung matutugunan mo, maririnig mo ‘yung hinaing ng taong bayan,” giit niya.
Ayon pa kay Garin, ang mga repormang ito at ang inklusibong liderato ni Romualdez ang dahilan kung bakit marami ang nagnanais ng kanyang muling pamumuno.
“These are things that actually contributed to many congressman rooting for his continuity in terms of leadership in the House,” sabi ni Garin.

