LTO

Empleyado ng LTO naging bayani ng mga motorista

Jun I Legaspi Jul 25, 2025
329 Views

SA direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na gamitin ang whole-of-government approach sa pagtulong sa mga naapektuhan ng sunod-sunod na masamang panahon, nagdeploy ng mga tauhan ang Land Transportation Office at Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon upang tumulong sa mga trak at iba pang sasakyang naghahatid ng mga pangunahing pangangailangan sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ayon kay Acting Assistant Secretary at LTO Chief Atty. Greg G. Pua, Jr., kabilang sa tinutulungang maserbisyuhan ay ang mga trak at sasakyang naghahatid ng relief goods sa mga pamilyang naapektuhan ng matinding pag-ulan dulot ng pananalasa ng tropical storm “Crising” at iba pang weather disturbances simula noong nakaraang linggo.

“Kasama rin po rito ang mga trak at iba pang sasakyang may kargang pangunahing bilihin patungong mga pamilihan.

Layunin nating matiyak na hindi maaantala ang daloy ng mga produkto kahit patuloy nating nararanasan ang masamang panahon,” dagdag pa niya.

Kasabay nito, inatasan din ni Pua ang mga LTO enforcement units na magbigay ng tulong sa mga motorista sa gitna ng hindi ligtas na kondisyon sa mga kalsada, lalo na sa malaking bahagi ng Luzon.

Sinabi rin ni Pua na inatasan ang lahat ng LTO enforcers na tugisin ang mga pasaway na motorista na lumalabag sa mga patakaran sa kalsada kahit sa gitnan ng masamang panahon.

Dagdag pa niya, maaaring idaan ang mga reklamo sa pamamagitan ng AksyOn the Spot hotline: 0929-292-0865.