Ordanes

Kahandaan sa sakuna dapat paigtingin ng LGUs — Ordanes

188 Views

NANAWAGAN si Senior Citizens Party-list Representative Rodolfo “Ompong” Ordanes sa lahat ng local government units (LGUs) na agarang paigtingin ang kanilang mga hakbang sa kahandaan at pagtugon sa sakuna, dahil sa lumalalang epekto ng climate change at sa patuloy na paghihirap ng maraming pamilya—lalo na yaong may mga inaalagaang nakatatanda—tuwing may kalamidad.

Binanggit ni Rep. Ordanes na ang pagbabago ng klima ay nagpapalala ng mga hindi inaasahan at matitinding kalamidad gaya ng mas malalakas na bagyo, biglaang pagbaha, at landslide na malaki ang epekto sa buhay ng mga Pilipino.

“Tayo ngayon ay nasa panahon na kung saan ang pagbabago ng klima ay nagdudulot ng pabago-bago at mapanirang panahon. Bagamat may mga paghahanda tayo sa ganitong mga sitwasyon, nararapat lamang na pag-aralan at isulong ang iba pang hakbang upang mas makasabay tayo sa mga darating pang hamon,” aniya.

Binigyang-diin din niya ang pangangailangang suportahan ang mga pinaka-vulnerableng sektor ng lipunan, kabilang ang mga pamilya na may mga nakatatandang miyembro na maaaring may espesyal na pangangailangan sa transportasyon at medikal. Sa panahon ng sakuna, mas mataas ang panganib sa kanila dahil sa kanilang kalagayan.

Hinimok ng kinatawan ng Senior Citizens Party-list ang mga LGU na maging mas maagap at masinsinan sa pagsusuri at pag-update ng kanilang mga disaster risk reduction and management plans, at isama ang mga pangangailangan ng mga senior citizens, persons with disabilities (PWDs), at iba pang mahihinang sektor.

Dagdag pa rito, nanawagan si Rep. Ordanes na:

Magtalaga ng evacuation centers na angkop at ligtas para sa mga nakatatanda

Maglaan ng mga medical kits para sa mga may malalang karamdaman

Magpatupad ng early warning systems na isinasaalang-alang ang mobility at accessibility para sa mga senior citizen.