Baste

Torre handa sa laban kahit Baste umalis ng bayan

Alfred Dalizon Jul 26, 2025
285 Views

DARATING ba si acting Davao City Mayor Baste Duterte o hindi?

Ito ang milyon-dolyar na katanungan na masasagot ngayong Linggo kung saan maghihintay si Philippine National Police (PNP) Chief General Nicolas D. Torre III sa pagdating ng anak ng ngayon ay nakakulong na dating Presidente Rodrigo R. Duterte sa Rizal Memorial Coliseum, kung saan gaganapin ang kanilang pinakahihintay na labanan.

Ngunit kung si Torre ay nagsabing handang-handa na siyang makipagrambulan kay Baste sa ring, marami ang nagsasabing malamang ay hindi matuloy ang laban na pino-propose ng hepe ng Pambansang Pulisya sa kadahilanang ang batang Duterte ay napaulat na lumisan patungong Singapore mula sa Davao International Airport bandang alas-7 ng umaga ng Biyernes.

Ayon sa mga ulat, umalis si Baste sakay ng Scoot Flight TR 369.

Sa kabila nga mga ulat na ito, sinabi ni Torre na maghihintay siya sa Rizal Memorial Coliseum nitong Linggo para sa kanilang “dream fight” ni Baste.

“Hindi ito tungkol sa lakas kundi sa kredibilidad. May hamon at nakita ko itong pagkakataon para makatulong,” sinabi ng PNP chief kasabay ng pagbibigay-diin na ang aktibidad ay dapat makatulong sa mga Pilipinong apektado ng bagyo at mga baha, hindi para sa pulitika.

Ayon ka PNP spokesperson Brigadier Gen. Jean S. Fajardo, ang Games and Amusement Board (GAB) ay magpapadala na ng referee at medical team sa venue upang matiyak ang kaligtasan ng mga lalaban sa gitna ng ring.

“Whether he shows up or not, may mga sponsors na may nagsabi na magdo-donate na lang ng mga ayuda sa ating mga kababayan na nasalanta ng bagyo at baha,” ayon kay Torre.

Sinabi rin ni Fajardo na ang PNP chief ay darating sa Rizal Memorial Coliseum kahit wala si Baste.

“At kahit hindi sumipot si Mayor Baste, ang ating Chief PNP ay darating. Ang hamon ni Mayor Baste ay tinanggap ng ating Chief bilang isang pagkakataon upang makatulong sa mga kababayan nating nasalanta kaya tuloy pa rin ito,” kanyang paliwanag.

Ayon sa opisyal, may magaganap na mga preliminary boxing matches bago ang main event nina Torre at Baste, kung saan maglalaban-laban ang mga miyembro ng iba’t ibang PNP Boxing Teams para magbigay ng lubos na kasiyahan sa mga manonood at mga sponsor ng event.

Nitong Biyernes, nag-isyu ang GAB ng resolution “to ensure the safety and integrity of the charity boxing match” ng 54-anyos na si Torre at ang mas nakababatang Duterte.

Ayon sa GAB Resolution No. 2025-08 Series of 2025, ito ay magpapadala ng isang qualified at duly accredited professional referee na magiging third man sa ring kung sakaling matuloy ang Torre-Duterte bout.

Isang GAB medical team din ang ipapadala sa venue para magbigay ng medical assistance sa sinumang boksingero na maaaring ma-knockout o mapatumba sa laban.

“GAB has duly accredited professional referees who are qualified to officiate the bout and ensure that it is conducted under the established rules and standards of boxing,” sinabi ng GAB.

“Medical personnel, consisting of licensed physicians and paramedics, are available and capable of providing immediate medical attention to the participants in the event of injuries or emergencies during the match,” dagdag pa ng Board.

Nitong Biyernes, nagpahayag ng lubusang kumpiyansa si Torre na handa na siyang makipag-rumble kay Baste Duterte matapos na mag-jogging siya sa Camp Crame oval sa gitna ng malakas na ulan.

Ayon kay Fajardo, regular routine na ni Torre ang pagdya-jogging tuwing umaga sa Camp Crame oval, umuulan man o umaaraw. Nakagawian na ito ng PNP chief noong siya pa ang director ng PNP Communications and Electronics Service at kalaunan ng Criminal Investigation and Detection Group.

Sabi pa ni Fajardo, ugali na ni Torre ang mag-jogging bago siya um-attend sa kanyang mga conference at iba pang mga event.

Nitong Biyernes, nag-umpisa si Torre sa kanyang pagdya-jogging bandang alas-6:20 ng umaga bago siya um-attend sa kanyang mga meeting at conference sa naturang araw.

Nitong Huwebes, tinapos din ng PNP chief ang kanyang sparring session sa PNP gym bilang paghahanda sa kanyang laban kay Duterte.

Ayon kay Torre, umulan man o umaraw, darating siya sa pamosong Manila coliseum nitong Linggo sabay sa pagsasabing marami nang sponsors para sa event.

Sinabi niya na anumang malilikom na salapi sa laban ay mapupunta sa mga taong apektado ng bagyong si Crising at mga pagbaha sa Metro Manila at iba pang panig ng bansa

“Whether he shows up or not, may mga sponsors na may nagsabi na magdo-donate na lang ng mga ayuda sa ating mga kababayan na nasalanta ng bagyo at baha,” pahayag ni Torre.

Ayon naman kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor C. Remulla, ang batang Duterte ay dapat mag-focus sa pagtulong sa mga Pilipinong nasalanta ng bagyo at baha at hindi dapat hamunin ng suntukan ang PNP chief.

“People here in Luzon and parts of Visayas have been suffering from 10 days of continuous rain. 50,000 fishermen have not gone out to sea to earn a living. He picks a fight to show his machismo.

He should have helped the people instead. It shows poor character and zero empathy to the people who matter,” sinabi ni Remulla.

Ayon sa DILG chief, naniniwala siyang maling tao ang hinamon ni Baste.

“[General Torre] was bullied as a kid. He was short, dark, but very intelligent. From what I gather from his friends, he never backed out of a fight in his life. Even though the classmate was a foot taller and 30 lbs. heavier, he never backed down,” kanyang sinabi.

Hinamon ni Baste ng suntukan si Torre habang hindi niya tinatago ang matinding galit sa PNP chief na nanguna sa paghuli nitong Marso sa kanyang ama at pagdadala dito sa The Hague, kung saan siya ngayon ay nakakulong at humaharap sa imbestigasyon ng International Criminal Court.

Sa kanyang pinakahuling banat sa PNP chief, sinabi ng anak ng dating presidente na matapang lang si Torre dahil siya ay nasa posisyon at kung sakaling sila ay magsusuntukan, siguradong mapapatumba niya ito.

Ito na ang pangalawang pagkakataon na pinagbantaan ni Baste ang PNP chief.

Noong Agosto 2024, binantaan din niya na sasampalin niya si Torre kung sakaling magkaharap sila. Si Torre noon ang kasalukuyang Regional Director ng Police Regional Office 11 sa Davao Region at may ranggong Brigadier General.

Binalewala lang ni Torre ang mga pananakot ni Baste na mahigpit na nagsasabing pagsasayang lang ng enerhiya ang “three-minute response time” program ng mataas na opisyal.

Si Torre, na kilala bilang isang heneral na palaging may sukbit na caliber .357 revolver sa kanyang pistol belt kasama ang maraming speed-loaders, ay ipinagkibit-balikat lang ang mga pahayag ni Baste sabay sa pagsasabing siya ay isang professional police officer.

“But let me make this clear: to threaten is one thing but to actually do it is an entirely different thing,” diin niya.