Calendar
US President Donald Trump at Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Romualdez pinuri si PBBM sa nakuhang higit $21B pamumuhunan sa biyahe sa Amerika

PINURI ni re-elected Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa nakuha nitong mahigit $21 bilyong halaga ng investment pledges at $63 milyong development assistance sa kanyang opisyal na pagbisita sa Estados Unidos.
Ang mga ito’y makatutulong umano sa pagpapasigla ng ekonomiya ng bansa at makapagbibigay ng trabaho sa mga Pilipino.
Sa kanyang arrival statement matapos ang tatlong araw na opisyal na biyahe sa Washington, D.C., iniulat ni Pangulong Marcos na ang kanyang mga pakikipagpulong ay nagresulta sa mahigit $21 bilyong investment pledges mula sa mga nangungunang multinational companies sa Amerika.
Inihayag din niya na nangako ang gobyerno ng US ng $15 milyon bilang suporta sa pag-unlad ng pribadong sektor sa ilalim ng Luzon Economic Corridor Initiative, at karagdagang $48 milyon para sa foreign-assisted development projects.
“These commitments are clear proof that President Marcos is doing what it takes to attract long-term capital that will translate into real benefits for our people—more jobs, more infrastructure, and more opportunities for every Filipino family,” ani Romualdez.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng mga diplomatikong pagsusumikap ng Pangulo upang palakasin ang matagal nang alyansa ng Pilipinas sa Estados Unidos—hindi lamang para sa pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan sa rehiyon, kundi pati na rin para sa pagpapalawak ng kalakalan, pamumuhunan at economic cooperation para sa pangmatagalang kaunlaran ng bansa.
Ayon kay Pangulong Marcos, ang kanyang pagbisita sa US ay nagpapatunay sa pangakong pagtutulungan upang mapalakas ang mga magkakasundong bansa at makinabang ang mga residente nito.
“The President has made it clear that the Philippines is open for business—and the world is responding positively. These investment commitments are the result of consistent leadership, credibility, and the country’s improving economic fundamentals,” ani Romualdez.
“We are witnessing the early gains of Bagong Pilipinas—a nation that is globally connected, economically confident, and better equipped to rise above challenges,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin ni Romualdez na dapat gumanap ng mahalagang papel ang 20th Congress upang matiyak na maisasakatuparan ang mga pangakong ito sa pamamagitan ng mga batas na magpoposisyon sa Pilipinas bilang pangunahing destinasyon ng pamumuhunan sa Asya.
Kaugnay nito, nangako siya na isusulong ang mga panukalang batas na nakaayon sa economic agenda ng Pangulo upang makapagtatag ng mas masigla, matatag at inklusibong ekonomiya.
“Ang ating tungkulin sa Kongreso ay tiyaking maisasakatuparan ang mga planong ito sa pamamagitan ng batas. Kung may kumpiyansa ang mundo sa atin, mas lalo tayong dapat magkaisa upang itaguyod ang kinabukasan ng bawat Pilipino,” ani Romualdez.

