Goitia Si Dr. Jose Antonio Goitia ang chairman emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI) at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.

Goitia: PMM-Trump deal malaking pakinabang sa PH

Jon-jon Reyes Jul 26, 2025
182 Views

HINDI ito pagtalikod sa interes ng bansa. Hindi rin pagyuko sa dikta ng Amerika kundi isang matalinong diskarte ni Pangulong Ferdinand Marcos sa kasunduan ng kalakalan at seguridad sa pagitan ng US at Pilipinas na hindi dapat agad husgahan.”

Ito ang pahayag ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia na sumusuporta sa mga karapatan ng Pilipino at sa mga isyung panlipunan sa bansa.

“Diskarte ito, hindi pagsuko,” diin ni Goitia sa mga kritiko na bumabatikos sa Pangulo dahil nakasanayan na at palaging naiisip na ang mabuting pakikitungo o diplomasya ay isang bitag upang sumunod at kalaunan dehado ang mga Pilipino.”

Ang nasabing kasunduan ay nag-aalis ng buwis sa mga produktong galing Amerika, habang may 19% taripa naman sa mga produktong papuntang Estados Unidos mula sa Pilipinas na sa paningin ng iba ay one-sided.

Kailangang tingnan ito ng malalim dahil hindi lamang ito usapang taripa. “Kalakalan ito, hindi palitan ng tingi-tingi sa merkado. Ang mahalaga ay nakapasok tayo sa merkado nila. May pakinabang tayo at higit sa lahat may nakapagtatag tayo ng mahabang pakikipag-ugnayan sa Amerika.

Ang tunay na tagumpay ay hindi minamadali. Ito ay may kaakibat na taktika at tiyaga ng mahabang panahon upang masabing seryoso ang isang bansa na makuha ang tagumpay,” sabi ng civic leader.

Isang isyu rin ang pagbubukas ng pinto sa mga dayuhang mamumuhunan sa pagmimina at enerhiya. Pero malinaw ang paninindigan ni Goitia.

“Dekada na nating hawak ang mga likas-yaman, pero nananatiling hindi nagagalaw sa ilalim ng lupa. Kung may ibang gustong tumulong at may teknolohiyang dala, basta’t tayo ang nagdidikta ng patakaran bakit hindi natin pagkakitaan?

Maging ang mga magsasaka ay nangangamba sa nasabing kasunduan na nakakapagpahina sa sektor ng pagsasaka subalit ayon kay Goitia, hindi ito dapat gamitin para takutin ang mga magsasaka.

“Matagal nang napapabayaan ang mga magsasaka at sektor ng agrikultura. Hindi dahil sa mga trade deal, kundi dahil sa kakulangan ng suporta na ibinibigay sa kanila. Kung magkakaroon ng silbi itong kasunduan para matutukan sila, mas mabuti pa,” ani Goitia.

Sa isyu ng depensa, binigyang-diin ni Goitia hindi tinatalikuran ng Pilipinas ang soberanya nito.

“Wala tayong ipinamimigay bagkus ay ginagawa ng gobyerno ang lahat para protektahan ang teritoryo ng Pilipinas na sariling atin. Sa panahon ng tensyon sa West Philippine Sea. (WPS), kailangan natin ng kakampi,” ayon sa kanya.

Sa mga nagsasabing kabaliktaran o pambobola lamang ang pagpuri ni Trump kay Marcos, ito ang sagot ni Goitia:

“Hindi ito puro papogi, ang mahalaga ay nagkaroon ng matibay na kasunduan at umuwi ang Pangulo na may bitbit na tagumpay para sa bansa.”

Nanawagan si Goitia sa publiko na maging mapanuri at huwag basta-basta maniwala sa mga “marites info.”

“Normal na magtanong dahil bahagi ito ng demokrasya pero huwag natin gawin ang nakasanayanan ng iba na mapaghinala at may pagkontra sa maraming bagay. Ang malinaw ay may matibay na kasunduan na naganap na hindi naisagawa ng mahabang panahon.”