Calendar
Pang-forever na plano vs baha hiling mula Senado
NANAWAGAN si Senador Panfilo “Ping” Lacson sa pambansang pamahalaan na bumuo ng isang pangmatagalan at komprehensibong plano para sa pamamahala ng baha, sa gitna ng patuloy na paglala ng pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Can’t we have a long-term master plan so the program will go on regardless of changes in administration? The United States has that. We don’t,” ani Lacson sa panayam sa DZRH, kung saan iginiit niyang matagal nang panahon upang tapusin ang paiwat-iwat o patchi patche na solusyon sa pagbaha.
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ng senador na ang paulit-ulit na pagbaha ay hindi na kayang resolbahin ng mga proyektong panandalian, lalo pa’t lumalala ang epekto ng climate change at lumalawak ang mga urban area.
Sa kasalukuyan, aniya, umaasa ang gobyerno sa mga lima o anim na taong plano na madaling naaapektuhan ng pagbabago ng administrasyon. Kaya naman, iminungkahi niyang magkaroon ng iisang direksyong susundan ng bawat liderato—isang matibay at tuluy-tuloy na plano na hindi basta-basta nababago.
Bukod dito, iginiit ni Lacson na hindi sapat ang paghahanda ng bawat lokal na pamahalaan lamang. Dapat aniyang isinasama sa plano ang mga karatig-lugar upang masiguro ang kabuuang epekto nito.
“We cannot insulate a town or city in formulating a flood management program because floods may spill over to its neighboring areas. The planning should be integrated at least at the regional level,” paliwanag niya.
Sa panig ng senador, ipinunto niyang sa kabila ng mahigit isang dekadang paggugol ng halos P2 trilyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH), nananatiling walang pangmatagalang solusyon sa problema ng pagbaha.
Kaya naman, iminungkahi niyang suriin ang paggamit ng pondo at panagutin ang sinumang may pananagutan sa mga kuwestiyonableng alokasyon. Subalit binigyang-linaw rin niyang higit na mahalaga ngayon ang magpokus sa mga solusyong nakabatay sa agham, sistematikong pagpaplano, at hindi lamang proyekto tuwing eleksyon.
“We need to stop treating flood control as an election-season project. It’s time we lay the foundation for something permanent and credible,” aniya.
Higit pa rito, iginiit din ni Lacson ang kahalagahan ng pakikilahok ng civil society sa pagpaplano ng badyet upang masigurong may transparency at ang mga proyekto ay tunay na tumutugon sa pangmatagalang pangangailangan ng bansa.

