SC

Hontiveros nadismaya sa ruling ng Korte Suprema

364 Views

MATINDING pagkadismaya ang naging pahayag ni Senadora Risa Hontiveros laban sa desisyon ng Korte Suprema na nagbabawal sa Senado na ituloy ang impeachment trial na ipinasa ng Mababang Kapulungan, na aniya’y nagpapahina sa pananagutan ng mga opisyal ng pamahalaan at sumasagasa sa kapangyarihang ipinagkaloob sa Senado sa ilalim ng Saligang Batas.

“Nadi-disturb yung kaluluwa ko,” ani Hontiveros sa isang ambush interview. “Nakakadismaya talaga na may lumabas na ganung desisyon na hinahadlangan yung pagganap ng Senado ng tungkulin… solo sa Senado.”

Ipinaliwanag niya na ang interpretasyon ng Korte sa “one-year bar rule” ay tila lumilikha ng panibagong pamantayan na maaaring magamit sa hinaharap upang pigilan ang katulad na mga impeachment proceeding.

“Sa pagkaalam at intindi namin, iisa lang namang complaint ang inaksyunan ng House at trinansmit sa amin sa Senado… pero parang ang dami pang idinagdag na requirements,” iginiit ni Hontiveros.

Babala pa niya, ang desisyong ito ay maaaring magsilbing blueprint para sa mga opisyal na nais umiwas sa pananagutan.

“Anong mga precedent ang tinatakda ng ganitong klaseng desisyon?” tanong niya. “Lahat ng mga ayaw ng impeachment process… will probably pick up lessons from this.”

Tumugon din siya sa mungkahing ipagpaliban ang impeachment hanggang 2026 upang maiwasan ang posibleng krisis sa konstitusyon.

“Wala namang naghihingi ng constitutional crisis,” binigyang-diin ni Hontiveros. “Diyos ko po, alam naman siguro all the effort and time it already took para simulan nang maayos itong impeachment process.”

Gayunpaman, sinabi niyang may pag-asa pa na maipagpatuloy ang proseso, lalo na kung maghahain ng motion for reconsideration ang ilang mambabatas at legal na personalidad.

“May mga nagko-consider, mag-file ng motion for reconsideration… pwede pa ring salbahin yung proseso ng impeachment… alang-alang sa mamamayan,” ani Hontiveros.

Sa huli, isiniwalat ng senadora na hindi lamang siya ang nabigo sa naging desisyon ng Korte, kundi marami rin sa kanyang mga kasamahan sa Senado.

“Batay sa mga announcement ng mga kasama kong senador, marami-rami kaming nadismaya din ,” pagtatapos niya.