Calendar
PBBM naka-monitor sa banta ng baha, mga nasalanta kahit nasa US
HABANG nasa kabilang panig ng mundo at abala sa mga mahahalagang pagpupulong kasama si President Donald Trump ng Estados Unidos at mga matataas na opisyal ng pamahalaan at negosyante sa Amerika, aktibong mino-monitor at pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagtugon ng gobyerno sa matinding pagbaha sa bansa.
Umalis si Marcos patungong Washington D.C. noong Hulyo 20 para sa tatlong araw na opisyal na pagbisita sa paanyaya ni Trump.
Sa kanilang unang personal na pagkikita, muling pinagtibay ng dalawang pinuno ang “matibay” na ugnayan sa ilalim ng Mutual Defense Treaty. Tinalakay rin nila ang mas pinaigting na kooperasyon sa depensa at kalakalan, cybersecurity, suplay ng enerhiya, katatagan at mga kritikal na imprastraktura.
Paulit-ulit na ipinahayag ni Trump ang kanyang mataas na paggalang sa pagbisita ni Marcos. Sa kanilang pag-uusap, pumayag ang lider ng US na ibaba ang taripa sa mga produktong inaangkat mula sa Pilipinas—mula 20 porsiyento pababa sa 19 porsiyento.
Malugod namang tinanggap ni Pangulong Marcos ang pangako ng pamahalaang US na maglalaan ng karagdagang USD15 milyon (P853.7 milyon) para sa pagpapaunlad ng pribadong sektor sa ilalim ng Luzon Economic Corridor initiative, at karagdagang USD48 milyon (P2.7 bilyon) para sa mga proyektong may tulong mula sa ibang bansa.
Sa kanyang pakikipagpulong kina Secretary of Defense Pete Hegseth at Secretary of State Marco Rubio, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng alyansa ng Pilipinas at Estados Unidos sa pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan sa South China Sea at rehiyong Indo-Pasipiko.
Nakipagpulong rin si Pangulong Marcos sa mga nangungunang ehekutibo ng mga pandaigdigang kumpanya sa larangan ng pamumuhunan, semiconductors, healthcare at imprastraktura, kung saan nakalikom siya ng USD21 bilyon (P1.195 trilyon) na mga pangakong pamumuhunan na maaaring lumikha ng libu-libong trabaho para sa mga Pilipino.
Sa pagitan ng kanyang mga aktibidad, patuloy na mino-monitor ni Pangulong Marcos ang sitwasyon sa bansa at nagbigay ng direktiba upang tugunan ang epekto ng matinding pagbaha na dulot ng habagat na pinalakas ng bagyo.
Inatasan niya ang mga kinauukulang ahensya na tiyaking mabilis na maipatutupad ang pagligtas at pagkupkop sa mga apektadong pamilya at indibidwal.
Iniutos din ng Pangulo ang pagbibigay ng tulong sa mga magsasakang naapektuhan ang pananim, at ang pagpapatupad ng mga hakbang sa kontrol ng baha, lalo na sa mga pangunahing lansangan.
Inatasan din niya ang Department of Energy na agarang ibalik ang suplay ng kuryente sa mga apektadong lugar at tiyaking tuloy-tuloy ang kuryente sa mga mahalagang pasilidad gaya ng ospital at evacuation centers.
Dumating si Pangulong Marcos mula sa Estados Unidos noong Miyerkules, Hulyo 23, pasado alas-10 ng gabi. Makalipas lamang ang ilang oras, noong Huwebes ng umaga, bumisita siya sa evacuation centers sa lalawigan ng Rizal upang alamin ang kalagayan ng mga biktima ng pagbaha, magpamigay ng tulong at suriin ang mga pasilidad.
Pinangunahan din niya ang isang briefing sa operations center ng National Disaster Risk Reduction and Management Council sa Camp Aguinaldo, kung saan iniutos niya ang pagpapadala ng mga medical team sa mga evacuation center, alternatibong paraan ng pag-aaral para sa mga estudyante, at tuloy-tuloy na operasyon ng pagsagip at pamamahagi ng tulong.
Noong Hulyo 25, inilunsad ni Pangulong Marcos sa Lungsod Quezon ang pinalawak na primary care package ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na tinatawag na Yaman ng Kalusugan Program para Malayo sa Sakit (YAKAP).
Pinalawak ng YAKAP program ang serbisyong pangkalusugan, kabilang ang access sa 75 essential medicines mula sa dating 21, at 20 laboratory tests mula sa orihinal na 15.
Ihahandog ng Pangulo ang kanyang ika-apat na State of the Nation Address sa Lunes, Hulyo 28. PND

