Calendar
Tutol sa acquittal ni de Lima binira
Hinimok ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang Department of Justice (DOJ) na magsampa ng mga kasong administratibo at kriminal laban sa panel ng mga piskal na naghain ng Motion for Reconsideration (MR) na tumutuligsa sa pagkaka-acquit ni Kinatawan Leila de Lima sa kanyang huling drug-related na kaso.
Ayon kay Pangilinan, ang paghahain ng MR ay isang “lantad na pang-aabuso sa sistemang pangkatarungan.”
Iginiit niyang nilabag ng mga piskal ang karapatang konstitusyonal ni De Lima at ang mga pamantayang etikal ng kanilang propesyon sa kanilang tangkang pagbawi sa desisyong nagpawalang-sala sa mambabatas matapos ang pitong taon ng pagkakakulong dahil sa umano’y gawa-gawang kaso.
“This is not only a harassment and a deliberate act of injustice against someone who has already suffered seven years of detention over baseless charges,” ani Pangilinan. “It is also a misuse of prosecutorial power and an affront to the judiciary. We should be prosecuting those who abuse their power, not those who speak truth to power.”
Bagaman umatras na ang panel sa MR noong Hulyo 24—matapos ang direktiba ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla at tagubilin ni Prosecutor General Richard Fadullon—naninindigan si Pangilinan na kailangang panagutin pa rin ang mga sangkot.
Binanggit niya ang posibilidad ng disbarment dahil sa “gross ignorance of the law” at paglabag sa Code of Professional Responsibility and Accountability (CPRA). Bukod pa rito, nanawagan siya sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na imbestigahan ang posibleng suhulan sa hanay ng mga piskal, kabilang ang pagsisiyasat sa kanilang mga financial records.
Dagdag pa ng senador, dapat ding suriin ng Judicial and Bar Council (JBC) ang anumang aplikasyon ng mga naturang piskal para sa mga posisyon sa hudikatura. Aniya, kung hindi sila makapagbibigay ng malinaw at makatwirang paliwanag sa kanilang naging papel sa MR, nararapat silang tanggihan. “Let us uphold the rule of law and prevent the manipulation of the justice system for political ends,” diin niya.
Layunin ng Motion for Reconsideration na baligtarin ang desisyon ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 204 noong Mayo 2023, kung saan napawalang-sala si De Lima sa mga kasong may kaugnayan sa ilegal na droga noong siya ay Kalihim ng Katarungan.

