Speaker Ferdinand Martin Romualdez at Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Speaker Romualdez pinuri si PBBM sa mas pinadaling paraan ng pagkakaroon ng bahay

383 Views

NAGPAHAYAG ng kanyang buong suporta si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa pinalawak na Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program, na naglalayong bigyan ang mga Pilipino ng mas maraming abot-kayang opsyon upang matupad ang kanilang pangarap na magkaroon ng sariling tahanan.

Pinuri ni Speaker Romualdez si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pag-atas sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na palawakin ang saklaw at dagdagan ang kakayahang tumugon ng pangunahing programa sa pabahay ng pamahalaan.

Ayon kay Speaker Romualdez, mas madali at mas abot-kaya na ngayon ang pabahay para sa milyun-milyong Pilipino dahil sa pinalawak na programa.

“Pangarap ng marami sa ating mga kababayan ang magkaroon ng bahay na matatawag nilang sarili. Ngunit dahil sa mataas na presyo ng bilihin, kakulangan sa kita, at iba pang gastusin, marami ang patuloy na nangungupahan o napipilitang manirahan sa mga delikadong lugar,” ayon kay Speaker Romualdez.

“Isang makabuluhan at makataong hakbang ang pagpapalawak ng 4PH upang makapamili ang ating mga kababayan ng pinaka-angkop na solusyong pabahay batay sa kanilang pangangailangan at kakayahan,” dagdag pa ng mambabatas.

Ayon kay DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, alinsunod sa utos ng Pangulo, pinalawak na ang saklaw ng 4PH upang isama ang mga horizontal o subdivision-type projects, rental at incremental housing, at ang pinahusay na Community Mortgage Program (CMP).

Dahil dito, mas marami nang pagpipilian ang mga benepisyaryo batay sa kanilang pangangailangan at kakayahan.

Binigyang-diin ni Speaker Romualdez na ang bagong direksyon ng programa ay isang mahalagang hakbang upang mabawasan ang kakulangan sa pabahay sa bansa, na kasalukuyang tinatayang nasa 6.5 milyong yunit.

Babala ng mga eksperto, maaaring lumobo ito sa higit 10 milyon pagsapit ng 2028 kung hindi agad matutugunan.

“Tungkulin ng mga lingkod-bayan na tulungan ang bawat Pilipino na maabot ang kanilang pangarap na magkaroon ng sariling bahay. Magtatagumpay ang Expanded 4PH sa pagtutulungan ng Kongreso at ng Marcos administration, lalo na sa pagbalangkas ng 2026 National Budget upang matiyak na may sapat na pondo para suportahan ang programang ito,” diin pa ng lider ng Kamara.

Tiniyak din ni Speaker Romualdez sa publiko na masusing rerepasuhin ng Kongreso ang budget ng mga pangunahing shelter agencies upang masigurong bawat piso ay magagamit nang wasto at makakatulong sa pagbibigay ng disenteng pabahay sa karaniwang Pilipino.

Bilang bahagi ng pinalawak na programa, itinalaga ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa kani-kanilang tungkulin: ang Social Housing Finance Corporation (SHFC) ang mangunguna sa pagpapalakas ng Community Mortgage Program (CMP); ang National Housing Authority (NHA) ang mangangasiwa sa mga proyekto sa rental housing; ang Pag-IBIG Fund ang magbibigay ng pautang na may mababang interes; at ang National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC) ang magpapaunlad sa secondary mortgage market.

Kasama rin sa mga reporma ang full digitalization, pagtatatag ng one-stop housing centers, at mga hakbang upang mapabilis ang pagproseso ng aplikasyon at maalis ang mga backlog.

Iniulat din ng DHSUD na apat na pangunahing private developer groups ang nangakong magtatayo ng mahigit 251,000 housing units sa ilalim ng recalibrated 4PH.

Ayon kay Speaker Romualdez, ang pangarap ni Pangulong Marcos na magkaroon ng sariling tahanan ang bawat Pilipino ay hindi lamang tugon sa problema ng kawalan ng tirahan, kundi isang makabuluhang hakbang upang maibalik ang dignidad at mapabuti ang kabuuang kalidad ng buhay ng bawat pamilyang Pilipino.

“This is what Bagong Pilipinas stands for—an inclusive approach that makes housing options accessible to all. It’s about more than just improving lives; it’s about restoring dignity, pride, and security to every Filipino, beginning with a home they can call their own,” ayon pa kay Speaker Romualdez.