Calendar
20 pamilya sa Malabon binigyan ng NHA ng Lab for All ayuda
NAGHANDOG kamakailan ang National Housing Authority (NHA) ng P200,000 Emergency Housing Assistance Program (EHAP) sa 20 pamilya na biktima ng kalamidad sa ginanap na “LAB for All” Caravan sa Malabon Sports Complex.
Pinangunahan ni General Manager Joeben Tai ang delegasyon ng NHA sa pamamahagi ng paunang tulong.
Binigyang-diin ni Tai ang agarang pagbibigay ng ahensya ng mas malawak na paglingap kapag natapos na ang pangongolekta ng datos mula sa lokal na pamahalaan.
Alinsunod sa bisyon ng Bagong Pilipinas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang inisyatiba ay nagpapakita ng dedikasyon ng NHA na maghatid ng mabilis na tulong sa pabahay upang masiguro na walang pamilyang Pilipino ang maiiwan sa panahon ng kalamidad.
Naglatag din ang NHA ng housing assistance desk sa caravan upang tumugon sa mga katanungan tungkol sa mga programang pabahay, mga alalahanin sa pagbabayad at ang eligibility requirements upang ma-avail ang iba’t-ibang serbisyo ng ahensya.
Ang pamamahagi ng EHAP ay bahagi ng LAB for All: Laboratoryo, Konsulta at Gamot Para sa Lahat program ni First Lady Louise “Liza” Araneta-Marcos.
Layunin ng LAB for All na pagsama-samahin ang mahahalagang serbisyo ng gobyerno, kabilang ang tulong medikal, panlipunan at pangkabuhayan.
Highlight din ang “On Wheels Assistance for the Malabueños,” na initiative ng Malabon City na naglalayong magbigay ng mobile access sa mahahalagang serbisyo ng lungsod.
Naging matagumpay ang kaganapan dahil sa suporta mula sa iba’t-ibang national at local agencies na kinabibilangan nina Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa, Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Secretary Jose Francisco Benitez, Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Rueda-Acosta at Dr. Charlie Ho ng Integrated Philippine Association of Optometrists.
Dumalo rin ang iba pang ahensya tulad ng Department of Trade and Industry (DTI), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Agriculture (DA), Department of Migrant Workers (DMW), Land Transportation Office (LTO), Senate Public Assistance Office, Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), Development Bank of the Philippines (DBP), GoNegosyo at iba pa mula sa pribadong sektor.

