Calendar
Ipinakita ni NBI Director Jaime Santiago ang pagsalakay ng mga ahente ng NBI sa isang warehouse sa Tondo, Manila kung saan iniimbak ang mga pekeng candies. Kuha ni JONJON C. REYES
Warehouse ng pekeng candy ni-raid ng NBI
SINALAKAY ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang warehouse na pinaniniwalaang bagsakan ng mga pekeng candy sa Bambang St., Tondo, Manila noong Miyerkules.
Nag-ugat ang pagsalakay sa reklamo ng Orion Support, Inc. (OSI) at Treasure Studios, Inc. na nakarehistrong may-ari ng Cocomelon brand na candy.
Nagsampa noong Mayo 26 ng reklamo ang OSI sa NBI-Intellectual Property Rights Division (NBI-IPRD) hinggil sa umano’y hindi awtorisadong paggamit ng Cocomelon candies.
Nagkaroon ng surveillance at test buy operations sa MBK Distribution, Inc. sa Unit E at H, 1280 Bambang St., Tondo.
Nakitaan ng probable cause ng Regional Trial Court of Manila, Branch 24 at nag-isyu ng search warrant sa lugar noong Hulyo 29 at ipinatupad ng mga operatiba ng NBI-IPRD ang mga search warrant ng sumunod na araw na nagresulta sa pagsamsam sa mga pekeng produkto na may tatak na Cocomelon.
Umaabot sa 111 kahon ng Cocomelon Tattoo Gum, 201 kahon ng Cocomelon Long Mallows na may humigit-kumulang P1 milyon ang halaga ang nasamsam sa raid.
Sasampahan ang MBK Distribution, Inc. ng kasong paglabag sa trademark Infringement sa ilalim ng RA 8293.
Isinagawa ang operasyon sa ilalim ng direktiba ni NBI Director Jaime Santiago at binibigyang-diin ang pangako ng pamahalaan na protektahan laban sa pamemeke at pamimirata sa Pilipinas.

