Sunog

70 bahay naabo, 15 sugatan sa Caloocan

Edd Reyes Aug 3, 2025
418 Views

UMABOT sa 15 residente ang nasugatan dahil sa malaking sunog na lumamon sa 70 kabahayan noong Sabado sa Caloocan City.

Nagsimula ang sunog sa isang bahay sa Brgy. 160 East Libis Baesa, dakong alas-10:35 ng gabi sa hindi pa matukoy na dahilan na mabilis kumalat sa mga kabahayan na gawa lamang sa kahoy.

Sa bilis ng paglaki ng apoy, nataranta ang karamihan sa mga residente at nagkukumahog na mailigtas ang mahahalagang gamit.

Karamihan sa kanila ay nagtamo ng paso sa katawan habang ang ilan ay nakatapak ng matatalim at matutulis na bagay.

Aminado ang Caloocan Bureau of Fire Protection (BFP) na nahirapan sila sa pag-apula ng apoy dahil hindi makapasok ang kanilang mga firetruck sa makitid na kalye patungo sa lugar.

“Kaya po ang nangyari, halos karamihan ng mga fire trucks dito na lang naka-puwesto sa may NLEX at pinagdugtong-dugtong na lamang ang fire hose para maapula ang apoy,” pahayag ng commander ng Talipapa Fire Station.

Umabot sa ikalawang alarma ang sunog bago na-kontrol ng mga bumbero alas-12:17 ng hatinggabi hanggang tuluyang ideklarang fire out ng alas-12:41 ng Linggo.

Umabot naman sa 34 pamilya ang pansamantala ngayong nanunuluyan sa covered court ng Brgy. 160 at tinatayang P500,000 ang halaga ng mga ari-arian ang natupok ng apoy.