Calendar
Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III
Sotto sa Senado: Impeachment vs VP Sara wag madaliing ibasura
“WHAT if it’s a unanimous mistake?”
Ito ang tanong na ibinato ni Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III habang hinihikayat ang Senado na huwag madaliin ang pagbabasura ng impeachment complaint laban kay Pangalawang Pangulong Sara Duterte.
Sa panayam sa ANC 24/7 kasama si Karmina Constantino, binigyang-diin ni Sotto na dapat hintayin muna ang desisyon ng Korte Suprema sa motion for reconsideration (MR) ng Kamara.
“Papaano natin babawiin kung biglang magdesisyon ang Supreme Court sa MR?” tanong ni Sotto.
Ipinunto niyang kahit unanimous ang ruling, hindi ito garantiya ng kawastuhan. “They do reverse themselves. There are a number of cases in the past,” aniya.
Nakatakdang magdesisyon ang Senado sa Agosto 6 kung itutuloy ang impeachment trial o ibabasura ang kaso, kasunod ng naging paborableng ruling ng Korte Suprema.
Ngunit ayon kay Sotto, may mga factual at procedural na pagkakamaling dapat pagtuunan.
Isa sa mga pinuna niya ay ang batayan ng Korte na ang naunang reklamo ay na-archive dahil sa paga-adjourn ng Kongreso noong Pebrero 5.
“Adjournment is not sine die… nothing is archived unless it is sine die,” giit ni Sotto. “Apparently, the proponent is unfamiliar with congressional rules.”
Babala pa niya, ang pagpapanatili ng nasabing ruling ay maaaring magdulot ng malalim na epekto sa sistema ng impeachment sa ilalim ng Konstitusyon.
“This decision practically amends the Philippine Constitution,” aniya. “It erases option three—the one-third rule—from the impeachment process. Wala nang ma-impeach.”
Umapela si Sotto sa kanyang mga kapwa senador. “We may appeal to them to wait for the MR,” saad niya.
Aniya, kung agad na ibabasura ng Senado ang kaso at kalauna’y bawiin ito ng Korte, posibleng mauwi ito sa kalituhan at makasisira sa kredibilidad ng institusyon.
“This is not about Sara,” binigyang-diin ni Sotto. “It’s about preserving the rule of law and protecting the constitutional process.”

