Calendar
Manila may 1,538 bagong negosyo, salamat kay Yorme Isko
UMAABOT sa 1,538 na mga bagong negosyo ang pumasok sa Maynila para sa buwan ng Hulyo, mas mataas ng 371% kumpara noong Hunyo.
Ito ang ulat ni Manila Bureau of Permits head Director Levi Facundo bago ang talumpati ni Mayor Isko Moreno Domagoso sa flag ceremony noong Lunes.
Ayon kay Director Facundo, ang paglobo ng bilang ng mga bagong negosyo nakapaglikha ng halos 5,000 mga bagong trabaho para sa mga Manilenyo at nakapagtala ng P1.1 bilyong halaga ng pamumuhunan para sa ekonomiya ng Maynila.
Ipinagpasalamat ni Facundo ang pagdami ng nagnanais magnegosyo ngayon sa Maynila mula nang patutukan ni Mayor Isko Moreno ang pagbuhay muli sa e-BOSS Business Permits at e-BOSS License Division.
Sinabi ni Facundo na nagkaroon din ng paglago ang koleksiyon ng Manila Hawker’s Division na pinamumunuan ni Raffy Alejandro bilang Officer-in-Charge noong Hulyo na umabot sa P3.5 milyon na mas malaki ng P6,000 sa nakolekta noong buwan ng Hunyo.
Maging ang Special Permits ay nakakolekta rin ng mahigit P1 milyon kumpara sa P195,000 noong Hunyo.
‘‘Lahat ng ito ay atin pong pinagpapasalamat sa maayos na pamumuno ng atin pong alkalde at ng bawa’t isa na nasa Maynila,” sabi ni Facundo.
