Almeda NEA Administrator Antonio Mariano Almeda

90 electric cooperatives mas mababa singil sa kuryente kaysa Meralco — NEA

219 Views

NASA 90 electric cooperatives ang nakapagbibigay ng mas murang singil sa kuryente kumpara sa Manila Electric Company (Meralco), ang pinakamalaking power distributor sa bansa, ayon kay National Electrification Administration (NEA) Administrator Antonio Mariano Almeda.

Sa panayam ng isang lokal na himpilan ng radyo kay Almeda, sinabi nito na batay sa kanilang nakalap na datos, sa kabuuang 121 electric cooperatives sa bansa ay 90 dito o nasa 74 porsiyento ang nakapagbibigay ng mas murang singil sa kuryente kaysa sa power rates ng Meralco.

Ito ay sa kabila ng mayroon pang mga imprastraktura at nag-ooperate sa urban center ang Meralco, kumpara sa mga electric cooperatives na limitado ang financial resources at sa mga liblib na lugar nag-ooperate.

Batay sa comparative analysis data na nakuha ng NEA, lumilitaw na mula Enero 2024 hanggang Hunyo 2025 ay napanatili ng mga electric cooperatives ang mababang presyo ng kanilang kuryente, nasa P1.00 hanggang P4.00 kada kwh na mababa ang kuryente nito kumpara sa Meralco.

Ang electric cooperatives ang nagsu-supply ng kuryente sa mga probinsiya gaya ng BARMM, Caraga, Cordillera Administrative Region at Regions 3, 5, 7, 9, 11 at 12.

“This is something that deserves commendation. The electric cooperatives have proven that they can offer more affordable electricity to Filipino consumers even compared to Meralco,” pahayag ni Almeda.

llang consumer advocacy groups at energy watchdogs ang umaalma sa hindi bumababang power rate ng Meralco. Nitong Hulyo, muling nagpatupad ang Meralco ng P0.4883 na dagdag singil at sa kasalukuyan ay nasa P12.6435 per kWh ang singil nito sa kuryente.

Ang electricity rate ng Meralco ang pinakamataas sa buong Southeast Asia.

Hindi ito ang unang pagkakataon na ipinapakitang mas mataas ang singil ng Meralco kumpara sa mga maliliit na electric cooperatives.

Noong 2023, ito rin ang reklamo ni Philreca Rep. Presley de Jesus. Aniya, bakit hindi kayang pababain ng Meralco ang singil sa kuryente na kayang gawin ng electric cooperatives.

“If we compare to Meralco, these cooperatives are so small. Meralco holds essentially a mega franchise with the largest captive market,” nauna na nitong pahayag.

Aniya, sa lawak ng customer base ng Meralco at may modernong pasilidad ay dapat pababa ang singil nito, ngunit kabaligtaran dahil pataas pa ang singil nito.

Ang Meralco ay may walong milyong customers mula sa 39 na siyudad at 72 na munisipalidad.