AI

P1M multa, 12 taong kulong sa maling gamit ng AI isinusulong

380 Views

ISINUSULONG ni Senate President Francis “Chiz” G. Escudero ang Senate Bill No. 782 o Physical Identity Protection Act na layong parusahan ang sinumang gagamit ng artificial intelligence (AI) upang gayahin ang pisikal na anyo ng ibang tao nang walang pahintulot—lalo na kung ito ay ginagamit sa panlilinlang, scam, o pagpapakalat ng maling impormasyon.

Ayon sa panukala, ang sinumang lumikha, gumaya, o nagpakalat ng AI-generated content na walang pahintulot ay maaaring makulong ng hanggang 12 taon at pagmultahin ng hanggang ₱1 milyon, depende sa layunin ng paglabag. Mas mabigat ang parusa kung ang paggamit ay para sa kita at panlilinlang. Kung ang lumabag ay opisyal ng gobyerno, habambuhay itong diskwalipikado sa serbisyo publiko.

Ikinuwento ni Escudero ang mga insidente kung saan ginamit ang imahe ng mga kilalang tao para magmukhang nag-eendorso ng produkto o investment scheme.

“Madalas makikita natin ang ilang mga pulitiko at pati na ang mga malalaking negosyante na tila may tinutulak na produkto o investment… pero ang katotohanan ay ginagamit lang ang imahe nila sa pamamagitan ng AI na walang anumang pahintulot,” aniya.

Gayunpaman, binigyang-linaw sa panukala na hindi saklaw ng parusa ang paggamit ng AI para sa pamamahayag, akademikong pananaliksik, dokumentasyong historikal, at iba pang gawaing pampubliko—basta’t ito’y may mabuting layunin.

“These interventions provide the government with the wherewithal to address emerging threats, ensure accountability in the use of AI technologies, and promote creativity and innovation without compromising personal rights and liberties,” binigyang-diin ni Escudero.