Calendar
Sen. Risa, Sotto: Pag archive ang kaso, mahirap na ilabas ito
“ITO ay katumbas ng tuwiran pagpatay na rin sa kaso ni VP Sara.”
Ito babalang binitiwan ni Senadora Risa Hontiveros kung saan ay sinabi niyang ang naging pasya ng Senado na i-archive, sa halip na i-table, ang impeachment complaint laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte ay parang pinatay na rin ng mga ito ang kaso—kahit may mga isyung konstitusyonal pa ring nakabimbin sa Korte Suprema dahil sa paghain ng Motion for Reconsideration ng Kamara.
Sa panayam sa DZBB’s Saksi sa Dobol B kasama sina Joel Reyes Zobel at Weng Salvacion, sinabi ni Hontiveros:
“Pag in-archive kahit hindi pa patay, napakahirap ilabas sa archives. Kailangan pa mag-majority vote.”
Ipinaliwanag niya na ang ginawang pag-archive sa halip na pag-table ay nangangailangan na ngayon ng panibagong majority vote upang muling buksan ang proseso, kung sakaling baligtarin ng Korte Suprema ang desisyon nito.
“Yung ginawang pag-archive, nako mataas po ang hurdle. Kailangan munang pagbotohan at makakuha na naman ng majority vote para lang ilabas sa archive,” saad ni Hontiveros.
Bumoto ang Senado ng 19 pabor sa pag-archive, apat ang tumutol, at isa ang nag-abstain, kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na idineklarang labag sa Konstitusyon ang reklamo dahil sa paglabag sa isang taong limitasyon sa pagsusumite ng multiple impeachment complaints, at sa karapatan ni Duterte sa due process.
Ang reklamo, na ipinasa ng House of Representatives, ay nag-aakusa kay Bise Presidente Duterte ng betrayal of public trust at culpable violation of the Constitution, kaugnay ng paggamit ng mahigit P125 milyon sa confidential at intelligence funds noong siya ay Kalihim ng Edukasyon. Kasama rin sa mga alegasyon ang hindi pakikibahagi sa mga imbestigasyon ng Kongreso at ang mga pahayag niyang umano’y nagpapahina sa mga demokratikong institusyon.
Ipinunto ni Hontiveros na naputol ang kaakibat ng tungkulin ng Senado gaya ng itinatadhana ng Konstitusyon.
“Ang totoong pag move forward ay kung respetuhin natin yung prosesong iniutos ng Konstitusyon. Yun yung nabitin, naudlot kagabi,” aniya.
Binigyang-diin din niya ang kakulangan sa kaalaman ng publiko hinggil sa proseso.
“E paano nga mag-move on ang mamamayan? Hindi nga nila alam, hindi alam ng senator judges ano ba yung mga ebidensya at witnesses sa bawat articles of impeachment,” anang senadora.
Nang tanungin hinggil sa epekto nito sa institusyon, nagbiro si Hontiveros: “Usually ang kumakapon ay tao, halimbawa sa isang kawawang hayop, pero dito kinapon ang sarili, dobleng sakit naman yun.”
Gayunman, iginiit niya na patuloy ang panawagan para sa pananagutan.
“Ang sakit namang isipin na wala na kayong maasahan sa Senado. Hindi naman ganon. Magsusumikap pa rin kami na itaguyod at singilin ang accountability,” dagdag niya.
Samantala, kinuwestiyon ni Senador Francis Pangilinan—na bumoto rin ng “no”—ang naging desisyon ng Senado.
“Archiving the Articles of Impeachment while a pending Motion for Reconsideration by the HoR is pending before the Supreme Court is disrespectful of a co equal and most unfortunate. It is the Senate getting ahead of itself,” ani Pangilinan.
Ipinabatid niyang ang impeachment ay isang proseso ng Konstitusyon, hindi isang bagay na maaaring ipagpaliban dahil lamang sa pagiging abala o kaginhawahan.
“Impeachment is not merely a political exercise that can be set aside for convenience or expediency.”
Sa kabilang banda, ipinagtanggol ni Senate President Francis Escudero—na bumoto pabor sa pag-archive—ang desisyon bilang pagtupad sa kanilang tungkuling legal.
“Respect for the rule of law requires all of us to adhere to final or immediately executory court decisions,” aniya.
Tinanggihan din niya ang mga alegasyong iniwan ng Senado ang tungkulin nito.
“Cherry-picking court rulings destroys the judiciary’s purpose,” dagdag niya.
Maging si dating Senate President Vicente Sotto III ay nagulat sa desisyon ng Senado na i-archive ang reklamo, gayong iginiit nito na wala raw silang hurisdiksyon.
“Akala ko ba wala kaming jurisdiction, bakit ina-archive namin?” tanong niya.
Pinanigan ni Sotto ang mungkahing i-table na lamang ang reklamo upang manatiling bukas ang usapin at maiwasan ang komplikasyon sa muling pagbuhay dito.
“Pag in-archive, mahirap na bunutin ‘yan,” aniya.
“Sabi ng Supreme Court na nag-reverse sila o may binago sila… pwede madaling galawin. Parang naka tengga lang. Aba naka-table lang.”
Sa kasalukuyan, may nakabinbing Motion for Reconsideration pa rin sa Korte Suprema. Maaaring magsampa muli ng bagong impeachment complaint pagkatapos ng Pebrero 6, 2026, alinsunod sa isang-taong limitasyon sa muling pagsusumite na itinakda ng Konstitusyon.

