Calendar
Source: Screen grab mula GMA News video
Nandukot ng pensyon ng mag-asawang senior citizen, tukoy na ng QCPD
TUKOY na ng Quezon City Police District (QCPD) ang babaeng nandukot ng P6,000 pensyon ng mag-asawang senior citizen sa isang printing shop sa Barangay Commonwealth, Quezon City.
Ayon sa QCPD, sa tulong ng CCTV footage, nakilala ang suspek na residente umano ng Barangay San Jose del Monte, Bulacan.
Batay sa kuha ng CCTV, nilapitan ng suspek ang mag-asawa na parehong nasa edad 71 at inalok ng ayuda na agad namang napapayag ang mga matatanda.
Habang abala ang mag-asawa sa pagsusulat na kunwaring application form ay pasimpleng dinukot ng suspek ang wallet ng mga biktima sa dala nilang eco-bag saka isiniksik sa damit bago tumakas.
Nang matanggap ang impormasyon, agad na nakipag-ugnayan ang mga operatiba ng QCPD sa mga opisyal ng barangay sa lugar at magsagawa ng imbestigasyon, sa kabila ng walang pormal na reklamo at nakilala ang suspek na patuloy pang tinutugis.
Sa imbestigasyon sa pamamagitan ng Investigation Solution Automatic Verification (ISAV) system, nadiskubreng ang suspek ay dati nang naaresto dahil sa mga paglabag sa P.D. 1602 (Illegal na Pagsusugal) noong Agosto 2018, Hulyo 2020, at Hulyo 2025, gayundin sa agnanakaw noong Disyembre 2019, Agosto 2023, at Hunyo 2025.
Hinihikayat ng QCPD ang publiko na iulat ang anumang katulad na insidente sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya, o i-dial ang Emergency Hotline 911 o ang QC Helpline 122 para sa agarang pagtugon ng pulisya.

